Nagpiyansa ng ₱72,000 noong Biyernes, Pebrero 13, ang driver na suspek sa insidenteng hit-and-run na nakapatay sa isang 23-anyos na negosyante sa Cebu City, kamakailan.
Base sa mga ulat ng media, pansamantalang pinalaya ang 21-anyos na driver, na si Sean Andrew Pajarillo, matapos siyang makapagpiyansa mula sa kasong “reckless imprudence resulting to homicide.”
Ang pagpapiyansa ay naganap matapos arestuhin ang limang indibidwal na umano’y binayaran upang magsilbing security escorts ni Pajarillo habang naka-hospital arrest ito sa Mandaue City, noong Huwebes, Pebrero 12.
“The suspects were arrested at [a] [p]rivate [h]ospital in Mandaue after attempting to provide unauthorized security escort services for a high-profile patient,” saad sa pahayag ng Cebu City Police Office.
“At approximately 2:49 PM, duty custodial security personnel at the hospital alerted PCOL Ylanan of five heavily built men claiming to be security escorts for a patient currently under hospital arrest following a previous vehicular hit-and-run incident. The individuals attempted to gain access to the patient’s room but were denied entry by custodial officer (TEU, CCPO personnel),” dagdag pa rito.
Ayon pa sa mga awtoridad, ang pag-aresto ay mula sa paglabag sa Republic Act 11917 or the Private Security Services Act.
Pinabulaanan naman ng isa sa law counsels ni Pajarillo na si Atty. Nodger Jude Dalman sa media na “security escorts” ang mga nahuling indibidwal at sinabing “acquaintances” o kakilala lamang ito ng kanilang pamilya.
Nilinaw rin ni Dalman na walang mga armas ang dinala sa ospital at nakumpiska mula sa mga naarestong indibidwal.
Tiniyak naman ng defense lawyer ni Pajarillo na si Atty. Julito Añora Jr. sa media na hindi ito tatakas mula sa mga kasong isinampa sa kaniya at dadalo sa mga magiging pagdinig para kaharapin ito.
Ibabalik umano si Pajarillo sa pagka-hospital arrest at maghihintay ng clearance sa kaniyang doktor bago i-discharge.
Matatandaang unang naiulat ang pagkabangga at pagkasawi ng 23-anyos na negosyanteng si Kingston Ralph Cheng noong Lunes, Pebrero 9, matapos itong mabundol ng SUV ni Pajarillo.
MAKI-BALITA: KILALANIN: Si Kingston Ralph Cheng, ang 23-anyos negosyanteng nasawi sa hit-and-run
Ayon sa inisyal na assessment ng Land Transportation Office (LTO) noong Miyerkules, Pebrero 12, unang nabangga ni Pajarillo ang isang naka-park na sedan sa Brgy. Banilad, Cebu City.
Nang subukan niyang humarurot para umano’y tumakas, nabundol ni Pajarillo si Cheng, na naglalakad sa gilid ng daan.
Sinubukan pa raw nito muling humarurot ng takbo ngunit nawalan na ito ng kontrol sa pagmamaneho at bumaliktad na ng patagilid ang sasakyan niya.
MAKI-BALITA: LTO, pananagutin driver na nakabangga sa 23-anyos negosyante sa Cebu City
Bagama’t may ilang video na lumabas sa social media na umano’y nakainom at lasing si Pajarillo, lumabas na negatibo sa alcohol si Pajarillo sa liquor test na isinagawa ng mga awtoridad 18 oras matapos ang insidente.
Ayon sa Cebu City Police, posibleng nakaapekto ang delay sa naging resulta ng test.
Sean Antonio/BALITA