Ibinahagi ng social media personality na si Deo Balbuena o “Diwata” ang masaklap na nangyari sa negosyo niyang paresan.
Sa latest episode ng “Ogie Diaz Inspires” noong Biyernes, Pebrero 13, sinabi ni Diwata na may lumapit umano sa kaniya noong kasagsagan ng kasikatan niya at nangakong tutulungan siya para maging kagaya ng mga kilalang fast food chain sa kasalukuyan ang paresan niya.
"Wala akong gagastusin. Pangalan ko lang, then sila ang bahala sa lahat. Pagdating naman sa usapin para magkaroon ako, tatanggap ako ng franchising fee saka royalty fee," lahad ni Diwata.
At dahil halos galing siya sa wala, mabilis niyang kinagat ang nilatag na alok ng lumapit sa kaniya.
Aniya, “[Simula no'ng may nagtayo ng paresan… wala akong natanggap na franchising fee saka royalty fee.”
“Ang sabi lang sa akin, wala pa raw binibigay. Pero mayro'n naman pala. Sa madaling salita, na-scam ako do'n,” dugtong pa ng social media personality.
Kaya naman ito raw ang isa sa kasalukuyang pinoproblema ni Diwata dahil hindi lang naman siya ang nagantso kundi pati na rin ang mga investor niya.
Samantala, hindi na niya masyadong pang idinetalye pa ang teknikalidad ng kaso. Sinikap niyang maging maingat sa bawat pahayag dahil sa takot na may maling masabi.