February 14, 2026

Home BALITA Probinsya

Dating Miss Philippines-Earth runner-up 2013, pinagbabaril sa mukha, katawan

Dating Miss Philippines-Earth runner-up 2013, pinagbabaril sa mukha, katawan

Patay ang isang 32-anyos na guro at dating runner-up ng Miss Philippines-Earth 2013 matapos pagbabarilin umano sa loob ng kaniyang SUV sa harap ng kanilang bahay sa Barangay Cabaritan noong Biyernes ng gabi, Pebrero 13, 2026.

Kinilala ang biktima na si Lullete Jane Ramilo-De Guzman. 

Ayon sa pulisya, nagtamo siya ng mga tama ng bala sa mukha at tagiliran at agad nasawi. 

Sinubukan pa siyang isugod sa Manuel Roxas District Hospital sa bayan ng Roxas ngunit idineklarang dead on arrival.

Probinsya

Casualties sa MV Trisha Kerstin 3, sumampa na sa 54; mga nawawala, 25 pa!

Sa imbestigasyon, nasa loob ng sasakyan ang biktima kasama ang kaniyang mga anak nang bumaba ang kaniyang ama mula sa kanilang Toyota Fortuner upang buksan ang gate ng bahay. 

Bigla umanong dumating ang isang lalaking sakay ng motorsiklo na walang plaka at paulit-ulit siyang pinaputukan.

Hindi nasaktan ang tatlong bata ngunit labis na na-trauma matapos masaksihan ang pamamaril. Mabilis na tumakas ang salarin.

Si Ramilo-De Guzman ay dating Miss San Manuel at dati ring runner-up sa Miss Philippines-Earth 2013, kung saan tumanggap din siya ng minor awards na Miss Global International at Miss Genuine Person. 

Ayon kay San Manuel police chief Major Rogelio Natividad, tinitingnan ng mga imbestigador ang iba’t ibang anggulo—personal, may kinalaman sa trabaho, o iba pang motibo—ngunit wala pang natutukoy na suspek.

Dagdag niya, hinihintay pa ang resulta ng crime laboratory upang matukoy ang ginamit na baril. Hinikayat din ng pulisya ang mga residente na agad iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang indibidwal upang maiwasan ang kaparehong insidente.

Samantala, agad na umuwi sa Isabela ang live-in partner ng biktima na si Clifford Dela Cruz matapos mapag-alaman ang nangyari. Ayon sa pulisya, hindi pa nakapagbigay ng pahayag ang mga kaanak dahil sa matinding pagdadalamhati.