Umakyat na sa 54 ang bilang ng mga katawang narekober ng Philippine Coast Guard (PCG) ngayong Sabado, Pebrero 14, mula sa lumubog na MV Trisha Kerstin 3, kamakailan.
Ang bagong narekober na bangkay ay nagmula sa mismong lumubog na sasakyang-pandagat, sa Baluk-Baluk Island, Basilan.
Sa kasalukuyan, mayroon pang 25 indibidwal ang hinahanap ng mga awtoridad, habang nasa 293 na ang naitalang survivors mula sa trahedya.
Nilinaw din ng PCG na ang mga talang ito ay naitala sa pamamagitan ng joint validation efforts ng Philippine National Police-Scene of the Crime Operatives (PNP-SOCO), City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), Coast Guard District Southwestern Mindanao (CGDSWM), at tulong ng mga kaanak ng mga nasawi at nawawala pang pasahero at crew ng MV Trisha Kerstin 3.
Higit dalawang linggo matapos ang paglubog ng MV Trisha Kerstin 3, tinitiyak ng PCG ang patuloy na paghahanap ng mga nawawala pang pasahero at crew na lulan nito bilang pananagutan at hustisya.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, nag-utos ng ‘full-blown investigation’ sa M/V Trisha Kerstin 3
Matatandaang naiulat ang paglubog ng MV Trisha Kerstin 3 noong Enero 26, kung saan, ilan sa isyung nakita ng mga awtoridad sa pag-iimbestiga sa trahedyang ito ay ang overloading ng mga pasahero at cargo, non-utilization ng weigh bridge sa Global Port Zamboanga Terminal Inc., at paiba-ibang bilang ng aktwal na bilang ng mga pasaherong sumakay sa Passenger Manifest.
Bukod pa rito, mariin ding inalmahan ni Department of Transportation (DOTr) Acting Sec. Giovanni Lopez ang pagbiyahe ng MV Trisha Kerstin 3 sa kabila ng deprensiya nito sa kanilang passenger capacity certification, drylock/repair compliance, at seaworthiness certification.
MAKI-BALITA: Operator ng MV Trisha Kerstin 3, sasampahan ng mga kasong administratibo; 14 personnel, sinibak!
Sean Antonio/BALITA