Bumuwelta si Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro kay Vice President Sara Duterte na mas nakakahiya raw na naging anak ng tinawag na “most corrupt” noon.
Matatandaang idiniin sa publiko ni Duterte sa panayam sa kaniya ng News5 noong Huwebes, Pebrero 12, 2026, na paulit-ulit na raw niyang sinasabi ang pagdadala umano ni Castro ng kahihiyan bilang spokesperson ng Office of the President (OP).
“Sinasabi ko na nga na paulit-ulit na ano, na si Claire Castro, nagdadala ‘yan ng kahihiyan sa ating bayan dahil tinawag siya na Spokesperson ng Office of the President,” saad ni Duterte.
KAUGNAY NA BALITA: 'Usec. Claire Castro, nagdadala ng kahihiyan sa bansa!'—VP Sara
Ayon naman sa naging tugon ni Castro dito, sa naging panayam sa kaniya ng DZMM Teleradyo nitong Biyernes, Pebrero 13, 2026, sinabi niyang hindi raw nakakahiya ang pagsasabi ng totoo.
“Ang pagsasabi ng katotohanan, hindi po ‘yan nakakahiya,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Ang nakakahiya, ‘yong madalas nilang ginagawa, ‘yong gumagawa lamang at nagtatahi-tahi ng kuwento.”
Patutsada pa ni Castro kay Duterte, mas nakakahiya raw na naging anak ng itinuring na “most corrupt” ng Organized Crime and Corruption Reporting Project (OCCRP) na si dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017.
“Hindi ba mas nakakahiya ‘yong naging anak ka ng most corrupt no’ng 2017? Sino ba ang sinabi ng OCCRP na most corrupt noong 2017? Ang dating Pangulong Duterte,” diin niya.
“‘Di ba mas nakakahiya ata ang tawaging anak ng isang korap,” pahabol pa niya.
Ani Castro, tila pang-utak buwitre umano ang ganoong mga klase pasaring ng bise presidente sa kaniya upang manguna raw sa Pangulo.
“‘Yong mga ganitong klaseng pasaring ng Bise Presidente, ano ito e, utak buwitre. Parang naghihintay ng maaring saying pangit o negatibo sa Pangulo para manguna,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas ulit na tugon, reaksyon, o pahayag ang bise presidente kaugnay rito.
MAKI-BALITA: VP Sara, kamukha ng manikang si ‘Chucky’ 'pag galit!—Atty. Claire Castro
MAKI-BALITA: Ikatlong impeachment complaint vs VP Sara, natanggap na ng opisina ni HS Dy
Mc Vincent Mirabuna/Balita