Nagtakda ang sangguniang bayan ng Abuyog, Leyte ng isang resolusyong nagdedeklara sa corporate heirs, assigns, at successors-in-interest ng kompanyang Strongbuilt (Mining) Development Corporation bilang “persona non grata” sa kanilang munisipalidad.
Base sa Resolution No. 112, Series of 2006, ang pagpapa-persona non grata ay dahil umano sa pagkuha nito ng “blacksand mining permit” nang walang konsultasyon sa mga mamamayan ng bayan at pahintulot mula sa lokal na pamahalaan ng Abuyog.
Ayon sa kanilang imbestigasyon, napag-alaman din nilang nakakuha ang parehong kompanya ng permit para sa Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) noong Hulyo 28, 2007.
Base rito, sila ay papayagan sa “extraction” ng black sand sa mga munisipalidad ng Dulag, Mayorga, Macarthur, Javier, at Abuyog sa loob ng 25 taon.
Gayunman, ito raw ay nakuha ng kompanya “in bad faith,” at wala man lang konsultasyon sa mga maaapektuhan ng nasabing operasyon.
Binigyang-diin naman ng resolusyon ang nakasaad sa Section 16, Article II ng 1987 Philippine Constitution, kung saan ang estado ay nararapat na protektahan ang karapatan ng mamamayan sa “balance” at “healthful ecology.”
Dahil dito, ang nasabing resolusyon ay isinapinal at nakakuha ng botong “unanimously approved” mula sa mga opisyal ng Abuyog, Leyte noong Martes, Pebrero 10.
Photo courtesy: via RMN Tacloban/FB
Sa legal na depinisyon, ang “persona non grata” ay nangangahulugang “unwelcome person.”
Sa madalas na maling pagkakaunawa rito, ang persona non grata ay hindi isang “total ban,” kung hindi ito ay isa lamang “gesture of disapproval.”
Sa madaling salita, hindi “legally prohibited” ang tao na pumasok sa nasabing lugar.
Vincent Gutierrez/BALITA