February 12, 2026

Home BALITA National

‘Wala nang kilig?’ Bilang ng mga Pinoy na masaya ang 'lovelife,' lumagapak!—SWS

‘Wala nang kilig?’ Bilang ng mga Pinoy na masaya ang 'lovelife,' lumagapak!—SWS

Naitala sa pinakamababang antas ang bilang ng mga Pilipinong nagsabing sila ay “very happy” sa kanilang love life, ayon sa Social Weather Survey ng Social Weather Stations (SWS).

Batay sa survey na isinagawa noong Nobyembre 24 hanggang 30, 2025, 46% ng mga respondent ang nagsabing labis silang masaya sa kanilang buhay-pag-ibig, 40% ang nagsabing maaari pa silang maging mas masaya, habang 14% naman ang nagsabing wala silang love life.

"The latest percentage of 46% who were very happy with their love life was the same as last year, and the lowest in over 20 years since it was first recorded in 2004," ayon sa SWS.

Dagdag pa ng polling firm, "Those who feel they could be happier rose by 4 points from 36%, while those without a love life fell by 4 points from 18% in 2024."

National

De Lima sa pagkilala ng SC sa 'property rights' ng same-sex couples: 'A step toward genuine equality!'

Ang Fourth Quarter 2025 Social Weather Survey ay isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adults na edad 18 pataas: tig-300 sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao. May sampling error na ±3% sa pambansang porsiyento at ±6% sa bawat rehiyon. Hindi rin ito commissioned survey.

Ayon sa resulta, sa hanay ng kababaihan, nananatiling pinakamataas ang kasiyahan sa love life sa mga may asawa (57%), sinundan ng may live-in partner (45%), at mga walang asawa o partner (22%). 

Kumpara noong 2024, bahagyang tumaas ng 3 puntos ang married women mula 54%, ngunit bumaba ng 8 puntos ang may live-in partner mula 53%, at bumaba rin ng 2 puntos ang walang partner mula 24%.

Sa kalalakihan naman, pinakamataas din ang married men na masaya sa love life sa 55%, sinundan ng may live-in partner (50%) at walang asawa o partner (28%). Tumaas ng 9 puntos ang walang partner na lalaki mula 19% noong 2024, halos hindi nagbago ang may live-in partner mula 49%, ngunit bumaba ng 6 puntos ang married men mula 61%.

Iniulat din ng SWS na 13% ng mga respondent ay mula sa Metro Manila, 45% sa Balance Luzon, 19% sa Visayas, at 23% sa Mindanao. Hati rin sa tig-50% ang mga nakatira sa urban at rural areas, at may 1-to-1 ratio ang lalaki at babae.

Sa edad, 11% ay 18–24 anyos, 20% ay 25–34, 20% ay 35–44, 16% ay 45–54, at 33% ay 55 anyos pataas.

Sa edukasyon naman, 10% ay may ilang elementarya lamang, 27% ay nakatapos ng elementarya o may ilang high school, 30% ay nakatapos ng junior high o vocational, 22% ay may senior high o ilang kolehiyo, at 11% ay college graduate o may postgraduate studies.