Nagawang banggitin at ihalimbawa ni Sen. Robin Padilla ang pumanaw na Sparkle artist at social media personality na si Emman Atienza at iba pa kaugnay sa pakikipagdiskusyon nito sa usapin ng depresyon.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin sa mga bata ngayon: ‘You are weak!’
Ayon sa naging pahayag ni Padilla sa kaniyang Facebook post nitong Huwebes, Pebrero 12, 2026, nauna muna niyang idiin ang mga balitang nakatutok lang umano sa mga opinyon ng mga taong wala naman daw isinagawang pagdinig kaugnay sa social media addiction ng kabataan sa kasalukuyan.
“Paano natin mabigyan ng solusyon ang mga suliranin ng bayan kung ang ibinabalita ay hindi ang ugat at epekto ng suliranin kundi mga opinyon ng mga taong wala sa isinagawang pagdinig patungkol sa social media addiction ng kabataan,” pagsisimula niya.
Ani Padilla, may datos raw ang World Health Organization at ilang mga progresibong bansa na nagsasabing nagbubuga umano ang social media ng depresyon, mental health at iba pa sa mga kabataan.
“May mga datos ang World health organization, Australia, France, Italy, Scandinavian Countries at marami pang progresibong bansa ang nagsasabi na nagbubunga ng weakness,depression, physical at mental health issues etc sa mga kabataan ngayon ayon sa kanilang pag aaral…” aniya.
Diin pa niya, hindi raw naging mahina o “weak” ang henerasyon niya at hindi raw nila nakilala ang salitang “depresyon” noon dahil wala pang social media.
‘Ang henerasyon ko hindi naging weak at hindi naging sikat ang salitang depression dahil WALA PA ANG SOCIAL MEDIA,” aniya.
Matapos nito, inisa-isa ni Padilla ang mga naitalang biktima ng pagpapatiwakal, kasama na si Emman.
“Emmanuelle ‘Emman’ Atienza (2025): Ang 19-taong-gulang na social media influencer at anak ni Kim Atienza ay namatay sa pamamagitan ng pagpapakamatay, na may mga ulat na nagha-highlight sa kanyang karanasan bilang potensyal na biktima ng matinding cyberbullying at online na panliligalig,” saad niya.
KAUGNAY NA BALITA: Kuya Kim, kinumpirma pagpanaw ng anak niyang si Emman Atienza
Bukod kay Emman, ikinuwento rin ng senador ang sinapit ng mga biktimang 17-anyos na estudyante sa Cotabato noong 2023, 14-anyos at 8th grader sa Zamboanga Sibugay noong 2014, at Filipino-American na teenager noon naman 2013.
“17-Taong-gulang na Estudyante sa Cotabato (2023): Isang 17-taong-gulang na batang lalaki sa Magpet, Cotabato, ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti pagkatapos ng pisikal na pananakot at harass, na nagpapakita ng direktang ugnayan sa pagitan ng pananakot at kalunus-lunos na mga resulta,” pagkukuwento niya.
Pagpapatuloy pa niya, “14-Year-Old in Zamboanga Sibugay (2014): Isang 14-year-old 8th grader ang namatay sa pagpapakamatay, nag-iwan ng note na sinisisi ang mga kaklase at kapitbahay sa pang-aapi sa kanya.”
“Fil-Am Teen (2013): Isang 12-taong-gulang na Filipina-American na batang babae ang nagpakamatay matapos na sumailalim sa walang humpay na online na pambu-bully, kung saan binansagan siya ng mga mapanlait na termino,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: 'Stop talking about me!' Padilla, dumepensa sa sinabing 'weak' ang kabataan
KAUGNAY NA BALITA: 'Bakit niya sisisihin ang kabataan?' Rep. Renee Co, bumanat kay Sen. Padilla!
KAUGNAY NA BALITA: 'Mapanganib ang ganitong pananaw!' Rep. Sarah, kinondena naging tirada ni Sen. Robin
Mc Vincent Mirabuna/Balita