Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na naglaan ang pamahalaan ng higit ₱63 bilyon upang mas mapaganda pa ang sistema ng irigasyon sa buong bansa.
Sa isinagawang inagurasyon ng Mahayag Dam Project sa Barangay Lower Salug Daku, Mahayag, Zamboanga del Sur nitong Huwebes, Pebrero 12, pinanindigan ni PBBM na hindi titigil ang pamahalaan upang mapabuti ang buhay ng mga magsasaka.
“Makakaasa po kayong patuloy ang administrasyong ito sa pagbibigay sa ating mga magsasaka ng mas mabilis na access sa ganiyang sari-saring teknolohiya, sa sari-saring pagsasanay, suporta pa para umangat at maging mas maginhawa pa ang inyong mga buhay,” saad ni PBBM.
Giit pa niya, “Mula sa ating budget para sa taong ito, naglaan tayo ng higit ₱63 bilyon para sa mga programang pang-irigasyon ng [National Irrigation Administration] NIA. Halos ₱300 bilyon naman ang ating inilaan na pondo sa mga programa at proyekto para sa sektor ng agrikultura.”
Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng pagtatayo ng mas maraming imprastraktura para masuplayan ang pangangailangan ng bansa sa pagkain.
“Ibig sabihin ay mas maraming imprastraktura at modernong makinarya para sa ating mga masisipag na magsasaka na inaasahan—hindi lamang ng Zamboanga Peninsula, kung hindi ng buong Pilipinas para sa ating tinatawag na food supply,” anang Pangulo.
“Kailangang maramdaman ng ating mga magsasaka ang ating [pagpapasalamat] sa sakripisyo nila upang [pakainin] ang lahat ng mga Pilipino,” dagdag pa niya.
Inanunsyo rin ng Pangulo na naglaan ang Department of Agriculture (DA) ng ₱33 bilyon para sa arm-to-market roads
Matatandaang itinayo ang Mahayag Dam noong 1967—na nagsilbi bilang mahalagang elemento sa sistema ng irigasyon ng Salug River.
Sa kasamaang palad, lubha itong napinsala noong 2022 hanggang 2023 matapos ang malalang pagbaha sa lugar.
Vincent Gutierrez/BALITA