Sa bilangguan ang bagsak ng isang 35 taong gulang na lalaki matapos manghablot ng cellphone sa biniktimang babae sa Brgy. Roosevelt sa Dinalupihan, Bataan.
Ayon sa ulat ng News5, napilitang mag-snatch ng cellphone ang lalaki para daw panggastos niya sa pinaplanong date sa darating na Valentine's Day sa Sabado, Pebrero 14.
Mabuti na lamang at nasakote agad ang suspek at nabawi ng biktima ang kaniyang cellphone, na nagkakahalaga lamang ng ₱5,000.
Kahit na nabawi na ang cellphone, isusulong pa rin ng biktima ang pagsasampa ng kaso laban sa suspek.
Hindi naman tinukoy kung unang beses bang ginawa ito ng suspek o matagal na niyang kalakaran ito, o kung may record na rin ba siya ng pagnanakaw sa pulisya.