Kahaharapin ng operator ng MV Trisha Kerstin 3 ang mga kasong administratibo bilang pagpapanagot sa trahedyang paglubog nito na kumitil sa higit 50 pasahero kamakailan.
“Passenger and cargo firm Aleson Shipping Lines, Inc. will face charges for its negligence and safety lapses involving its passenger ferry MV Trisha Kerstin 3, which sank off the waters in Basilan, claiming the lives of 52 passengers, crew, and a Philippine Coast Guard (PCG) personnel,” saad ng Department of Transportation (DOTr) sa kanilang pahayag noong Miyerkules, Pebrero 11.
Sa nasabing pahayag, inalmahan ni DOTr Acting Sec. Giovanni Lopez na sa kabila ng mga deprensiya ng MV Trisha Kerstin 3 sa kanilang passenger capacity certification, drylock/repair compliance, at seaworthiness certification, nakapaglalayag pa rin ito.
Bukod pa rito, ilan sa mga isyung nakita ng MARINA ay overloading ng mga pasahero at cargo, non-utilization ng weigh bridge sa Global Port Zamboanga Terminal Inc., at paiba-ibang bilang ng aktwal na bilang ng mga pasaherong sumakay sa Passenger Manifest.
“Bakit pinayagan o bakit binigyan ng safety certificate ang MV Trisha Kerstin 3 sa kabila ng kanilang safety deficiencies na nakita. Bakit pinayagan makapaglayag ang MV Trisha Kerstin 3 sa kabila ng mga safety violations noong araw na ‘yun? Bakit paulit-ulit na lang ang Aleson Shipping Lines sa mga ganitong insidente? Ano ba ang ginawa niya para ayusin ang kanilang pagkukulang?” saad ni Lopez.
Bukod pa rito, ibinaba rin ng kalihim ang pagsisibak sa puwesto ng anim na PCG personnel at walong MARINA personnel, kabilang sina Zamboanga Regional Director Engr. Jedini Nur Sibal; MARINA Shipping Operations Specialist Engr. Bevin Bibi; at MARINA Shipbuilding Specialist II Jose Ray Quimiguing; dahil sa “neglect of duty.”
Mariin ding binanggit ni Lopez na kung lalabas sa mga kasong administratibo ng mga personnel na ito na mayroon silang matinding kapabayaan sa kanilang tungkulin, hindi rin mag-aatubiling magsampa ng criminal cases ang ahensya dahil na rin posible nilang paglabag sa Republic Act (RA) No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
"Dito n’yo po makikita na ang Department of Transportation, kasama na ang MARINA at ang PCG, kung may pananagutan po kahit ang ating mga kasamahan, I am going to act on it," saad ni Lopez.
Aniya pa, maglalabas din ng Department Order ang DOTr para sa risk-based categorization ng mga sasakyang-pandagat, gayundin ang mga ruta, bilang parte ng corrective measures ng ahensya, upang maiwasan na ang pangyayari ng mga kaparehang insidente ng paglubog.
Parte rin ng direktiba ni Lopez ang paglalagay ng life vests sa ilalim ng mga upuan at inflatable life racks sa mga sasakyang-pandagat para sa ligtas na paglalayag.
Sa kasalukuyan, hindi pa naglalabas ng pahayag ang Aleson Shipping Lines hinggil dito.
Matatandaang isang “full-blown investigation” ang iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Enero 26, para mabusising masilip ang mga pangyayari at dulot sa likod ng paglubog ng MV Trisha Kerstin 3.
MAKI-BALITA: PBBM, nag-utos ng ‘full-blown investigation’ sa M/V Trisha Kerstin 3
Sean Antonio/BALITA