February 12, 2026

Home BALITA National

'Mapanganib ang ganitong pananaw!' Rep. Sarah, kinondena naging tirada ni Sen. Robin

'Mapanganib ang ganitong pananaw!' Rep. Sarah, kinondena naging tirada ni Sen. Robin
Photo courtesy: MB File Photo, Senate of the Philippines (FB)

Mariing kinondena ni Gabriela Women’s Partylist Rep. Sarah Elago ang naging pahayag ni Sen. Robin Padilla kaugnay sa pagsasabi nitong “weak” o mahina raw ang kabataan sa kasalukuyan dahil sa depresyon. 

“Siguro naman 'yong iba dito hindi ko man kaedad e naranasan n'yo 'yong panahon ng 90s at 80s na tayo ay naglalaro pa, masaya pa. [...] Ang mga bata po ngayon, sad to say, you are weak,” saad ni Padilla sa naging pagdinig sa Senate Committee on Public Information and Mass Media noong Miyerkules, Pebrero 11, 2026.

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin sa mga bata ngayon: ‘You are weak!’

Ayon naman sa inilabas na pahayag ni Elaga sa Facebook page nila nitong Huwebes, Pebrero 12, 2026, sinabi niyang kinokondena nila ang ang naunang pahayag ni Padilla dahil mas bukas at lantad na raw ngayong nagsasalita ang kabataan tungkol sa usapin sa mental health at depresyon. 

National

PBBM, flinex higit ₱63B pondo upang mapahusay irigasyon sa buong Pilipinas

“Kinokondena namin sa Gabriela Women’s Party ang pahayag ni Sen. Robin Padilla na tinawag na “mahihina” ang kabataan ngayon dahil mas lantad at bukas silang nagsasalita tungkol sa depresyon at mental health,” pagsisimula niya. 

Ani Elago, mapanganib daw ang ganoong klaseng pananaw ni Padilla dahil hindi umano imbento lang sa bagong henerasyon ang depresyon at iba pang suliranin sa kalusugan. 

“Mapanganib ang ganitong pananaw. Ang depresyon at iba pang suliranin sa kalusugan ay hindi imbento ng bagong henerasyon. Matagal na itong umiiral, ngunit noon ay nababalot lamang ng katahimikan, stigma, at kakulangan ng kaalaman,” aniya. 

Dagdag pa niya, “Hindi kahinaan ang pag-amin sa mental health problems. Sa katunayan, tanda ito ng tapang—ang tapang na kilalanin, unawain, at harapin ang sariling pinagdaraanan.” 

Anang mambabatas, dapat daw kilalanin ng mga kagaya ni Padilla na lider ng bansa ang maraming mabibigat na krisis na kinakaharap ng Pilipinas. 

“Dapat kilalanin ng mga lider ng bansa ang mabibigat na hamon na kanilang kinakaharap: krisis sa edukasyon, kawalan ng trabaho, kahirapan, at patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin. Dagdag pa rito ang walang habas na pagkalat ng misinformation, disinformation, at online abuse sa social media,” diin niya. 

Pagpapatuloy pa niya, hindi raw simpleng pagbabawal o paninisi ang sagot upang mailigtas ang kabataan sa mga panganib na posibleng idulot sa kanila ng social media. 

“Kung tunay nating layon ang kaligtasan ng kabataan sa social media, ang sagot ay hindi simpleng pagbabawal o paninisi,” saad niya. 

Suhestiyon pa niya, “Kailangan ng komprehensibong polisiya: digital literacy, mas mahigpit na pananagutan ng malalaking tech companies, libre at sapat na mental health services sa mga paaralan at komunidad, at pagpapalakas ng child protection mechanisms.” 

Ayon pa kay Elago, tungkulin daw ng mga mambabatas na pakinggan at unawain ang kabtaan at hindi ito patahimikin. 

“Bilang mga mambabatas, tungkulin nating pakinggan at unawain ang kabataan at hindi patahimikin,” paglilinaw niya. 

“Ang isang lipunang may malasakit ay hindi nagtatanong kung bakit nagsasalita ang kabataan tungkol sa depresyon; tinatanong nito kung paano sila higit na masusuportahan,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na direktang reaksyon, tugon, o pahayag si Padilla kaugnay rito. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Bakit niya sisisihin ang kabataan?' Rep. Renee Co, bumanat kay Sen. Padilla!

KAUGNAY NA BALITA: 'Stop talking about me!' Padilla, dumepensa sa sinabing 'weak' ang kabataan

KAUGNAY NA BALITA: Psychologist, inalmahan hanash ni Sen. Robin tungkol sa depression

Mc Vincent Mirabuna/Balita