February 12, 2026

Home BALITA Probinsya

LTO, pananagutin driver na nakabangga sa 23-anyos negosyante sa Cebu City

LTO, pananagutin driver na nakabangga sa 23-anyos negosyante sa Cebu City
Photo courtesy: Contributed photo via MB

Tiniyak ng Land Transportation Office (LTO) na pananagutin ang driver na suspek sa hit-and-run na nagdulot sa pagkasawi ng isang 23-anyos na negosyante sa Cebu City kamakailan.

Ibinahagi ng LTO sa kanilang social media post noong Miyerkules, Pebrero 12, na base sa kanilang inital assessment, ang 21-anyos na driver ng humarurot na SUV, na si Sean Andrew Pajarillo ay unang nakabangga ng isang naka-park na sedan sa Brgy. Banilad, Cebu City, noong Lunes, Pebrero 9. 

Sa pagtakas, nabundol ni Pajarillo ang negosyante na si Kingston Ralph Cheng, na naglalakad sa gilid ng daan. 

Sa muling pagharurot ni Pajarillo at pagsubok na pagtakas, nawalan na ito ng kontrol at bumaliktad patagilid ang sasakyan niya. 

Probinsya

Operator ng MV Trisha Kerstin 3, sasampahan ng mga kasong administratibo; 14 personnel, sinibak!

Una na ring naiulat ng LTO Region 7 na agad silang nagbaba ng Show Cause Order (SCO) laban sa rehistradong driver na sangkot sa sasakyan, na nagsususpinde ng 90 araw sa lisensya at sasakyan habang umaandar ang imbestigasyon. 

Anila, si Pajarillo ay inaatasan na humarap sa pagdinig ng LTO 7 Operations Division para mabigyan sila ng pagkakataon maihayag ang kanilang paliwanag sa mga kasong kahaharapin tulad ng reckless driving, unfit to possess a driver’s license at person driving under the influence of alcohol or dangerous drugs and other similar substances.

Sa kaugnay na ulat ng Traffic Enforcement Unit ng Cebu City Police Office (CCPO), hindi naibigay ni Pajarillo ang kaniyang lisensya at dokumento ng rehistro ng sasakyan nang mahuli. 

Bagama’t kasalukuyang naka-hospital arrest, naghihintay rito ang kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.

“Hindi ako papayag na magsawalang-kilos sa mga paglabag na nagdudulot ng pinsala o kamatayan sa ating mamamayan na gumagamit ng kalsada. Ang LTO ay determinadong ipatupad ang batas ng patas ngunit mahigpit - ang kaligtasan ng publiko ang siyang una nating priyoridad. Ang mga taong nagkakalat ng karahasan sa ating mga kalsada ay kailangang harapin ang mga kahihinatnan ng kanilang mga aksyon.” saad ni LTO Asec. Lacanilao sa nasabing pahayag. 

KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Si Kingston Ralph Cheng, ang 23-anyos negosyanteng nasawi sa hit-and-run

Sean Antonio/BALITA