“Totoo ang mental health crisis…”
Binanatan ni Kabataan Partylist Rep. Renee Co si Sen. Padilla kaugnay sa naging pahayag nito na “weak” o mahina umano ang kabataan sa panahon ngayon dahil sa depresyon.
Matatandaang binengga ni Padilla sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media noong Miyerkules, Pebrero 11, 2026, ang kasalukuyang henerasyon ng mga bata dahil sa pagiging mahina umano ng mga ito.
“Siguro naman 'yong iba dito hindi ko man kaedad e naranasan n'yo 'yong panahon ng 90s at 80s na tayo ay naglalaro pa, masaya pa. [...] Ang mga bata po ngayon, sad to say, you are weak,” saad ni Padilla sa nasabing pagdinig.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin sa mga bata ngayon: ‘You are weak!’
Ayon naman sa naging pahayag ni Co nitong Huwebes, Pebrero 12, 2026, sinabi niyang hindi raw nakakagulat na makaranas ng depresyon ang kabataan lalo na sa nararanasan nilang krisis mula sa edukasyon hanggang sa mga korapsyon sa bansa.
“Hindi surprising na nade-depress ang kabataan, kung araw-araw ang krisis na danas nila mula sa edukasyon hanggang sa korapsyon,” sagot ni Co.
Ani Co, bakit daw sisisihin ni Padilla ang kabataan sa problemang kagagawan at hindi masolusyunan ng gobyerno.
“Bakit niya sisisihin ang kabataan sa problema na kagagawan ng gobyerno na di rin nila masolusyonan? At least lumalaban ang kabataan,” aniya.
Diin ng nasabing mambabatas, totoo ang krisis mental health at dapat umano itong tugunan ng pamahalaan, sa halip na maghugas-kamay.
“Totoo ang mental health crisis. Di siya problema ng indibidwal lang. Dapat tugunan to ng gobyerno kaysa maghugas kamay,” ‘ika niya.
Pagpapatuloy pa niya, pinupukpok na raw noon pa man sa kabataan ang pagtitiis sa umano’y bulok na sistema sa bansa upang matawag matawag na “malakas.”
“From past to present, the youth continue to redefine what ‘strong’ really means mula sa pagtitiis sa bulok na sistema tungo sa matapang na paglaban para magbago ito. Recognizing problems is not a weakness. Gen Z is strong enough to see that and fight for change. Laban Kabataan!” pagtatapos ni Co.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na direktang sagot, tugon, o reaksyon si Padilla kaugnay rito.
MAKI-BALITA: 'Stop talking about me!' Padilla, dumepensa sa sinabing 'weak' ang kabataan
MAKI-BALITA: Psychologist, inalmahan hanash ni Sen. Robin tungkol sa depression
Mc Vincent Mirabuna/Balita