Hindi pinalampas ni Kapamilya TV host Luis Manzano ang isang social media page na nagpakalat ng pekeng balita tungkol sa kanila ng Filipino professional tennis player na si Alex Eala.
Sa isang Facebook post ni Luis nitong Miyerkules, Pebrero 11, ibinahagi niya ang screenshot ng isang post mula sa Facebook page na “Flow Tennis.”
Ayon dito, nagpakawala umano si Luis ng tirada laban kay Alex.
"Tempers exploded when Luis Manzano launched a blistering tirade at tennis star Alex Eala, sparking outrage acroos sports and political circles after her recent losses,” mababasa sa post ng Flow Tennis.
Kaya bwelta ni Luis, “[P]aki-report si Flow Tennis hahahahaha, sure ka sa gusto mo mangyari flow tennis ha ?”
“Flow Tennis - walang iyakan ha o public apology ha?” dugtong pa ng TV host sa comment section.
Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, wala pa ring inilalabas na pahayag o reaksiyon ang nasabing Facebook page hinggil sa nasabing isyu.
Matatandaang minsan na ring naging laman ng pekeng balita si Alex kung saan nakasaad dito na ininsulto umano siya ni award-winning GMA News broadcast-journalist at "24 Oras" news anchor Mel Tiangco.
Agad namang sumagot si Mel para pabulaanan ang nasabing balita.
Maki-Balita: Mel Tiangco, pumalag mismo; Alex Eala, inisyung ininsulto!