February 11, 2026

Home BALITA National

VP Sara, personal na nakiramay sa pamilya ng mga biktima ng lumubog M/V Trisha Kerstin 3

VP Sara, personal na nakiramay sa pamilya ng mga biktima ng lumubog M/V Trisha Kerstin 3
Photo courtesy: VP Sara Duterte (FB)

Personal na bumisita at nakiramay si Vice President Sara Duterte sa pamilya ng mga nasawi at nawawala pa ring pasahero sa lumubog na M/V Trisha Kerstin 3 sa Jolo, Sulu. 

Ayon sa ibinahaging mga larawan sa Facebook post ni Duterte nitong Miyerkules, Pebrero 11, 2026, makikita ang pakikipag-usap niya sa pamilya ng mga biktima sa lumubog na sasakyang-pandagat at natagpuan sa 1.8 nautical miles off Baluk-Baluk Island, Basilan, noong Miyerkules, Pebrero 4, 2026. 

KAUGNAY NA BALITA: PCG, umaasang may marerekober pang survivors at mga bangkay mula sa MV Trisha Kerstin 3

“Sa ating pagtungo sa Jolo, Sulu ay personal tayong nagpaabot ng pakikiramay at suporta sa pamilya ng mga nasawi at nawawalang pasahero sa lumubog na M/V Trisha Kerstin 3 na nakita malapit sa Baluk-Baluk Island, Basilan,” mababasa sa simula ng caption ng naturang post. 

National

'I will go there, they should ban me!' SILG Remulla, sumuporta sa mga opisyal na na-ban sa China

Photo courtesy: VP Sara Duterte (FB)

Photo courtesy: Inday Sara Duterte (FB)

Ani Duterte, pinakinggan din niya ang panawagan ng mga naiwang pamilya ng mga nasawi at kuwento ng mga nakaligtas sa lumubog na M/V Trisha Kerstin 3. 

“Pinakinggan din natin ang kwento ng mga nakaligtas maging ang sakit, hinaing, at panawagan ng mga pamilyang apektado para sa pamahalaan— mga bagay na pagsisikapan nating maparating sa kinauukulan,” aniya. 

Nagawa ng manawagan ni Duterte sa mga kinauukulan na gawin umanong prayoridad ang kaligtasan ng taumbayan. 

“Kasabay ng ating pakikiisa sa lahat ng mga apektado sa trahedya ay ang ating panawagan sa kinauukulan na unahin at gawing prayoridad ang kaligtasan ng ating mga kababayan. 

Patuloy po tayong maging matatag sa gitna ng mga pagsubok,” saad niya. 

Matatandaang ayon sa huling tala ng Philippine Coast Guard (PCG) noong Martes, Pebrero 10, 2026, umakyat na sa 51 ang bilang ng mga nasawi mula sa nagpapatuloy na “search and rescue” sa lumubog na MV Trisha Kerstin. 

Kaugnay ito ng limang bangkay ang narekober ng PCG Technical Diving Group (TDG) sa nagpapatuloy na “search and rescue” operations noon ding Martes. 

MAKI-BALITA: Casualties sa nagpapatuloy na “search and rescue” sa MV Trisha Kerstin 3, umakyat na sa 51

Ang mga nasabing bangkay ay agad nilang na-secure at ibiniyahe patungong Zamboanga City Port para sa pagkakakilanlan at maayos na disposisyon, katulong ang Zamboanga City Disaster Risk Reduction and Management Office (ZCDRRMO).

MAKI-BALITA: ‘Search and rescue’ isinasagawa sa lumubog na RORO; may 332 pasahero

Mc Vincent Mirabuna/Balita