Patay ang isang limang taong gulang na kindergarten pupil matapos tamaan ng ligaw na bala habang nasa loob ng kanilang silid-aralan sa Damabalas Elementary School sa Datu Piang, Maguindanao del Sur.
Kinumpirma ni Datu Piang Police chief Police Captain Oriel Siangco sa panayam sa isang radio station sa Cotabato City ang pagkasawi ng biktima.
Batay sa paunang ulat, bigla umanong tinamaan ng bala ang biktima kaninang umaga nitong Miyerkules, Pebrero 11, 2026 at agad itong nasawi.
Ayon kay Bangsamoro leader Datu Ali Ebrahim, nagmula ang bala sa patuloy umanong bakbakan sa kalapit na lugar.
“Mariin kong kinokondena ang bakbakang kasalukuyan pa ring nagaganap sa Kudarangan, Nabalawag, Special Geographic Area (SGA). Isang ligaw na bala mula sa nasabing lugar ang tumama at nakapatay sa isang kinder pupil ng Damabalas Elementary School, Datu Piang, mismo sa likuran ng kanyang ulo,” aniya.
Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) upang matukoy kung saan pinaputok ang baril at kung sino-sino ang responsable sa insidente.
Mariing kinondena ng mga lokal na opisyal ang pangyayari at iginiit na dapat manatiling ligtas ang mga paaralan bilang “zones of peace.” Nagpahayag din ng pagkabahala si BTA Deputy Speaker Engr. Baintan Ampatuan.
“Ito ay kapwa nakakalungkot at nakakaalarma. Itinuturing natin ang mga paaralan bilang ligtas na lugar para sa ating mga anak. Umaasa tayo na ito ay isang nakabukod na insidente lamang,” ani Ampatuan.
Samantala, hinikayat ni Maguindanao del Sur Representative Esmael “Toto” Mangudadatu ang pagpapatibay ng programang “balik-baril.”
“Nakakadurog ng puso na ang biktima... ay isang inosenteng estudyante. Ang kanyang mga pangarap at ang pangarap ng kanyang mga magulang ay naputol,” pahayag niya habang nananawagan sa pulisya at militar ng mas maigting na disarmament campaign sa komunidad.