Tila handang palagan ni dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ang hamong “friendly debate” ni Sen. Rodante Marcoleta sa kaniya, kina Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Jay Tarriela, at University of the Philippines (UP) Institute for Maritime Affairs at Law of the Sea director Jay Batongbacal kaugnay sa usapin sa Kalayaan Island Group (KIG).
“Mas mabuting gawin bago 'yon, pakisabi n'yo kay Commodore Tarriela kasama si Justice [Antonio] Carpio and [Professor Joy Batongbacal], magkita-kita muna kami para sa isang friendly debate bago kami magpunta doon,” saad ni Marcoleta noong Lunes, Pebrero 9, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Marcoleta, naglatag muna ng kondisyon bago pumuntang KIG
Ayon naman sa naging pahayag ni Carpio sa ambush interview ng media sa kaniya noong Martes, Pebrero 10, diretsahan niyang kinumpirma ang pagtanggap niya sa nasabing hamon ng senador.
“Yes. I accepted the challenge to debate this topic,” aniya.
Pagbabahagi ni Carpio, una raw nilang pagdedebatehan ang usapin tungkol sa kung may legal na batayan ba ang West Philippine Sea (WPS).
“The first topic, is there legally a West Philippine Sea? In other words, is it in our law that there is a West Philippine Sea because Marcoleta is saying [that] there is no such thing as West Philippine Sea,” saad niya.
Bukod dito, pag-uusapan din daw nila kung sakop ba raw ng WPS ang KIG.
“Second is if there is a West Philippine Sea law, are the maritime zones of our islands, in the Kalayaan Island Group, part of the West Philippine Sea,” aniya.
“‘Yon lang, very simple. I think that will have our people to understand the issues involved in the West Philippine Sea,” pagtatapos pa niya.
Samantala, hindi naman na nagbigay pa si Carpio ng eksaktong petsa kung kailangan nila gagawin ang debate at hind rin ito nagbigay ng lokasyon na paggaganapan nito.
Habang sinusulat ito, hindi pa naman naglalabas ng pahayag, tugon, o reaksyon si Marcoleta kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: 'Pag ayaw, maraming dahilan!' Akbayan, bumwelta kay Sen. Marcoleta tungkol sa KIG
KAUGNAY NA BALITA: 'Di ko sinabing ipamigay!' Sen. Marcoleta, mariing itinanggi suhestiyong isuko KIG
Mc Vincent Mirabuna/Balita