Nagulat ang mga manonood matapos mauwi sa personal na pag-amin ang post-race interview ng isang bronze medalist sa men’s Olympic biathlon competition noong Martes, Pebrero 10. 2026.
Nakamit ni Norwegian biathlete Sturla Holm Laegreid ang ikatlong puwesto sa 20-kilometer individual race sa Milan-Cortina Games. Ngunit sa halip na pag-usapan ang kaniyang panalo, inamin niya sa live broadcast ng Norwegian broadcaster na NRK na nagtaksil siya sa kaniyang nobya.
“Six months ago I met the love of my life. The world’s most beautiful, sweetest person. And three months ago I made the biggest mistake of my life and cheated on her,” ani Laegreid habang naiiyak sa panayam.
Ibinunyag din niyang sinabi niya sa kaniyang partner ang nangyari—isang linggo bago ang kompetisyon.
“I’m sure many people now see me in a different light, but I only have eyes for her. I’m not quite sure what I’m trying to say by saying this now, but sport has taken a back seat in recent days. I wish I could share this with her,” dagdag niya.
Sa naturang kompetisyon, nakakuha ng gintong medalya ang kaniyang kababayan na si Johan-Olav Botn matapos ang perpektong pagbaril sa kanyang Olympic debut.
Pumangalawa naman si Eric Perrot ng France, habang isang target ang hindi natamaan ni Laegreid at nagtapos na 48.3 segundo sa likod ng kampeon upang maiuwi ang bronze.
Ito ang kauna-unahang individual Olympic medal ni Laegreid, na dati nang bahagi ng relay team na nagkamit ng ginto sa Beijing Olympics. Gayunman, sa halip na selebrasyon ay nakita siyang umiiyak at niyayakap ang mga kaibigan matapos ang torneo.
Sa press conference, ipinaliwanag niya kung bakit niya piniling ibunyag ang kanyang personal na sitwasyon sa telebisyon.
“It was the choice I made. We make different choices during our life and that's how we make life. So today I made a choice to tell the world what I did, so maybe, maybe there is a chance she will see what she really means to me. Maybe not,” pahayag niya.
Humingi rin siya ng paumanhin sa kaniyang kakamping nagkamit ng ginto.
“Now I hope I didn’t ruin Johan’s day. Maybe it was really selfish of me to give that interview. I’m not really here, mentally,” aniya.