Inilabas sa publiko ng dating miyembro ng SexBomb na si Izzy Trazona ang screenshot ng conversation thread nila ng anak na si Sofia Trazona, patunay na hindi totoong wala na raw silang komunikasyon sa isa't isa.
Nag-ugat ang tungkol sa isyu nang mag-post ang transwoman niyang anak, na hindi na raw sila nagkikita ng ina simula nang magdesisyon siyang pasukin na ang transitioning era para sa sarili niya.
Matatandaang hindi naging kumporme kay Izzy ang desisyon ng anak na sumailalim sa transition period, pagdating sa kaniyang sexual identity.
Sinabi ni Sofia na hindi pa sila nagkikita ng kaniyang ina at natatakot siyang makita siya nitong transwoman na, sa pamamagitan ng X post noong Lunes, Pebrero 9.
"[S]a lahat ng nag-message sa akin, no. [D]i na po kami nagkikita ni mama."
“[I] also am scared na pagnakita niya na ako ngayon as a transwoman, iba yung reaction na mareceive ko and ayoko na bumalik sa dark place nung lumabas yung issue,” saad ni Sofia.
“[I] just want validation and acceptance. Wala [nang] iba,” dagdag pa niya.
Ibinahagi rin ni Sofia na dahil sa nananatiling “unresolved relationship” sa ina, hindi na rin daw siya nakakapunta sa family events sa side nito tulad ng birthdays at mga reunion.
“[I]t’s honestly so sad na di na ko nakakapunta sa mga reunion sa mom’s side, even birthdays kase whenever pumupunta ako lagi lang akong pinag-uusapan and pinagkakaisahan,” aniya.
Kaugnay na Balita: Sofia Trazona, di pa rin maayos relasyon sa inang si Izzy
Matatandaang naging mainit na isyu ang ibinahaging long message ni Izzy tungkol sa pagiging drag queen ni Sofia noong Setyembre 2023.
Aniya, lubos ang pagmamahal niya sa anak para hindi siya maging supportive sa mga ginagawa niya.
Samantala, ayon naman sa ulat ng PEP, nakapanayam nila si Izzy matapos ang guesting nito kasama ang asawang si Alvin Aragon nitong Martes, Pebrero 10 sa "Fast Talk with Boy Abunda."
Ang naitanong ng PEP sa kaniya ay kung totoo bang wala na silang komunikasyon ng anak. Nagtaka pa raw si Izzy sa mga sinabi ng anak dahil kaka-message lang daw sa kaniya nito, at tumutugon naman siya. In short, nagkakapalitan sila ng mensahe.
"Hindi ko alam kung bakit kailangan niyang gawin 'yon. Not true po," saad umano ni Izzy, na nagulat sa mga tinuran ng anak.
Ang huling mensahe raw ng anak sa kaniya ay pagiging very proud nito sa kaniya dahil naninindigan siya sa alam niyang tama, at pagpunta niya sa rAWnd 4 reunion concert ng SexBomb noong Sabado, Pebrero 7.
At batay rin sa sagot ni Izzy, mukhang nagulat din siya sa rebelasyon ng anak sa social media na magsisimula na siya sa isang operasyong may kinalaman sa transitioning niya, sa Marso 2026.
Hindi naman nabanggit sa ulat kung naitanong ang tungkol sa mismong nakalagay sa post ni Sofia na hindi na sila nagkikita ng ina.
Maaari kasing nakakapagpalitan sila ng mensahe sa isa't isa sa pamamagitan ng texting o social media platforms subalit hindi pa nagkikita nang personal simula nang pumutok ang isyu ng pagiging transwoman.
Kaugnay na Balita: 'Hindi totoo 'yon!' Izzy Trazona tinabla ang anak, nag-uusap pa raw sila
Kaya naman, nitong Martes ng gabi, Pebrero 10, ipinakita ni Izzy ang ebidensya bilang patunay sa sinasabi niyang nakakapag-usap pa sila ng anak.
"Ayoko na sana i-public ito, pero ang dami nanaman lumalabas at nagcocomment even if they don’t know the truth behind…palaging ganern. Dapat po wag ganon hehe. Pero pipilitin ko pa din intindihin ang mga people. Here is the last convo of my son and I," aniya.
Photo courtesy: Screenshot from Izzy Trazona/FB
Kung babasahin ang mga naging pag-uusap nila, makikitang totoo ang mga nabanggit ni Izzy sa panayam ng PEP.
"i’m so happy and proud of you!! inspite of everything you still sticked to what you know is right. naiyak lang ako na nakita ko na nasa concert ka with your friends," mababasa sa mensahe sa kaniya, na bagama't walang nakalagay na pangalan, ay mahihinuang mula kay Sofia.
Tugon naman ni Izzy, "salamat anak by His strength always. I miss you! Continue to be strong praying for you always. Mag - ingat ka palagi. I love you."
"imissyou super! pinagpapray kita palagi... iloveyoutoo!!" reply naman ni Sofia.
Photo courtesy: Screenshot from Izzy Trazona/FB
Batay sa petsa at oras, masasabing noong Sabado, Pebrero 7 bandang 11:30 ng gabi nagpadala ng mensahe si Sofia sa kaniyang ina, matapos ang sorpresang pagdalo ni Izzy sa rAWnd 4 reunion concert ng SexBomb.
Nag-reply naman si Izzy bandang 12:02 ng tanghali kinabukasan, Linggo, Pebrero 8.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Sofia tungkol dito.