Inalmahan ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Bernadette Barbers ang kumakalat na malaswang larawan nila ni Manila 6th District Rep. Benny Abante.
Sa latest Facebook post ni Barbers nitong Martes, Pebrero 10, sinabi niyang AI-generated umano ang nasabing larawan na pinagmukhang naghahalikan sila ni Abante sa loob ng House of Representatives.
“Para sa kaalaman ng lahat ang larawang ito ay AI-generated — HINDI ITO NANGYARI. HINDI ITO TOTOO!” sabi ni Barbers.
Dagdag pa niya, “Ginawa [ito] para manlinlang, maghasik ng intriga, at sirain ang dangal ng mga taong tahimik na naglilingkod.”
Kaya naman nanawagan siya sa publiko na maging mapanuri at huwag magpagamit sa pagpapakalat ng kasinungalingan.
“Fake news has no place in a society that values truth, decency, and public service,” pahabol pa ng kongresista.
Ang orihinal na litrato nina Barbers at Abante ay kuha noong Lunes, Pebrero 9, sa ginanap na deliberasyon ng House Justice Committee kaugnay sa verified complaints para sa impeachment laban kay Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr.