February 10, 2026

Home BALITA National

'Pag ayaw, maraming dahilan!' Akbayan, bumwelta kay Sen. Marcoleta tungkol sa KIG

'Pag ayaw, maraming dahilan!' Akbayan, bumwelta kay Sen. Marcoleta tungkol sa KIG
Photo courtesy: Akbayan Partylist (X), File Photo

Nagawang patutsadahan ng Akbayan Partylist si Sen. Rodante Marcoleta na tila marami pa raw itong dahilan bago pumunta sa Kalayaan Island Group (KIG). 

Ayon sa inilabas na video statement ni Akbayan Partylist President Rafaela David sa kanilang Facebook page nitong Martes, Pebrero 10, pinatutsadahan niya ang umano’y paghahamon ni Marcoleta ng “friendly debate” kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Jay Tarriela bago pa man daw ito pumuna sa KIG. 

KAAUGNAY NA BALITA: Sen. Marcoleta, naglatag muna ng kondisyon bago pumuntang KIG

“Debate daw bago pumunta ng West Philippine Sea. Senator Marcoleta, kung gusto, may paraan. Kung ayaw, maraming dahilan,” pagsisimula niya. 

National

'Always be pro-PH!' Palasyo, nanindigan sa kabila ng debatehan ng Senado sa WPS

Photo courtesy: Akbayan Partylist (X)

Ani David, hindi na raw kailangang pang pagdebatehan ang tungkol sa West Philippine Sea (WPS) at KIG dahil naipanalo na raw ito sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). 

“Hindi na po debate kung kanino ang West Philippine Sea. Naipanalo na po natin ‘yun under the UNCLOS,” aniya. 

Diin pa niya, “May munisipyo tayo doon, maraming mga Pilipino doon.” 

Pagpapatuloy ni David, wala raw “requirements” sa pagpunta sa WPS at ibinida niyang nakapunta na rin siya dito nang tatlong beses. 

“Wala pong requirements pumunta sa West Philippine Sea. In fact, nakapunta na po tayo doon, not once, not twice, tatlong beses na po tayong naglayag sa West Philippine Sea,” saad niya. 

Nagawa ng uriratin ni Rafaela ang naging pangako umano noon ng isang indibidwal na hindi na niya pinangalan na pupunta raw ito sa WPS at ilalagay ang bandila ng Pilipinas. 

Suhestiyon pa niya, dapat umanong si Marcoleta na ang magtupad na naturang pangako sa pagpunta WPS. 

“Alam n’yo, may nangako nga, magje-jet ski daw papunta doon at lalagyan ng bandila natin. Kung kayo [Sen. Marcoleta] na po kaya ang magtupad ng pangako na ‘yun?” aniya. 

“Tara, kitakits sa West Philippine Sea, Sen. Marcoleta,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, hindi pa naman naglalabas ng pahayag, reaksyon, o tugon si Marcoleta kaugnay sa isinapublikong video statement ng Akbayan Partylist. 

KAUGNAY NA BALITA: ‘He does not have to worry!’ Tarriela, pinapapunta si Marcoleta sa KIG

MAKI-BALITA: 'Di ko sinabing ipamigay!' Sen. Marcoleta, mariing itinanggi suhestiyong isuko KIG

Mc Vincent Mirabuna/Balita