February 10, 2026

Home BALITA National

Korte Suprema, kinilala 'Property Rights' ng same-sex relationships

Korte Suprema, kinilala 'Property Rights' ng same-sex relationships
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Napagpasiyahan ng Supreme Court na puwede kilalanin bilang magkatuwang na may-ari ng ari-arian o “co-owners of property” ang mag-partner na pasok sa same-sex relationship, alinsunod umano sa ilalim ng Article 148 ng Family Code, kung may ebidensya ng aktuwal na kontribusyon sa kanilang ari-arian. 

Ayon sa naging paliwanag ng Korte Suprema nitong Martes, Pebrero 10, isinulat umano ni Associate Justice Jhosep Y. Lopez ang desisyon sa pagkilala ng Second Division ng mataas na hukuman ang tungkol sa reklamo ng isang babae para sa paghahati ng ari-arian nito bilang isa sa mga may-ari ng bahay at lupang binili nila ng kaniyang dating ka-same-sex relationship. 

Anang Korte Suprema, nagtatakda ang Article 148 ng Family Code ng mga patakaran sa pagmamay-ari ng ari-arian ng magkarelasyon at kinikilala nito ang pagiging magkatuwang na may-ari ng pareho ng kasarian basta’t may aktuwal umanong ebidensya sa ambag ng bawat isa sa kanilang property, kahit ipinagbabawal ng batas ang magpakasal ang mga ito. 

“Ang Artikulo 148 ng Family Code ang nagtatakda ng mga patakaran sa pagmamay-ari ng ari-arian ng mga magkaparehang nagsasama ngunit hindi maaaring magpakasal ayon sa batas, at kinikilala nito ang pagiging magkatuwang na may-ari batay sa aktuwal na ambag ng bawat isa,” paglilinaw nila. 

National

'Always be pro-PH!' Palasyo, nanindigan sa kabila ng debatehan ng Senado sa WPS

Paglalahad ng Korte Suprema, nagsama raw ang dalawang babae bilang magkarelasyon at bumili ang mga ito ng ari-arian at napagkasunduang isa sa kanila ang ipangalan na lamang sa bahay at lupa upang mapadali ang transaksyon sa bangko. 

Dumating umano sa punto na naghiwalay ang mag-partner na dalawang babae at napagkasunduang ibenta ang binili nilang ari-arian at hatiin ito nang pantay sa isa’t isa. 

Nilagdaan pa umano ng isa ang Acknowledgement na nagpapatunay na nag-ambag ang dati niyang karelasyon ng halos 50% ng gastos sa pagbili at pagpapagawa ng kanilang bahay. 

Ngunit kalaunan, hindi na pumayag ang isa at tumangging may karapatan ang dati niyang karelasyon sa binili nilang ari-arian. 

Dahil dito, naglagay umano ng adverse claim sa titulo ng ari-arian ang dating karelasyon at humiling ng paghahati sa nabili at naipagawa nilang property. 

Nang hindi umano ito nagtagumpay, nagsampa siya ng kaso para sa paghahati ng real estate at kabayaran sa danyos gamit ang pinirmahan niyang Acknowledgement bilang patunay ng kanilang pagiging magkatuwang sa nabili at naipatayong ari-arian. 

Anang Korte Suprema, pinagbigyan umano nila ang reklamo sa paghahati ng ari-arian ng nasabing magkarelasyon at nilinaw nila ang mga probisyong alinsunod sa Family Code. 

“Pinagbigyan ng Korte Suprema ang reklamo para sa paghahati ng ari-arian, habang nilinaw nito ang mga probisyon sa Family Code na namamahala sa ugnayan sa ari-arian ng mga magkasintahang nagsasama ngunit hindi kasal,” pagkukuwento nila. 

Anila, naangkop sa mga magkasintahang hindi pa kasal ngunit maaaring magpakasal ayon sa batas ang Artikulo 147 ng Family Code at ipinapalagay nito na pagmamay-ari parehas ng magkatuwang ang nabili at naipatayo nilang ari-arian noong sila ay magkasama pa. 

Habang ang Artikulo 148 naman ng Family Code ay naaangkop umano sa magkasintahang hindi pinapayagang magpakasal ayon sa batas ngunit ang mga ari-ariang tanging nakuha sa pamamagitan ng aktuwal na ambag ang maituturing na pagmamay-ari ng magkatuwang. 

“Ang Artikulo 147 ay naaangkop sa mga magkasintahang hindi pa kasal ngunit maaaring magpakasal ayon sa batas. Ang ari-ariang nakuha habang sila’y nagsasama ay ipinapalagay na pagmamay-ari ng magkatuwang,” anila. 

Paglilinaw pa nila, “Samantala, ang Artikulo 148 ay naaangkop sa mga magkasintahang hindi pinapayagang magpakasal. Tanging ang mga ari-ariang nakuha sa pamamagitan ng aktuwal na ambag ang itinuturing na pagmamay-ari ng magkatuwang.” 

Dahil dito, pinagpasyahan umano ng Korte Suprema na may bisa at sapat ang patunay ng aktuwal na ambag ng isang babae sa ari-ariang nabili at naipatayo nila, base na rin umano sa Acknowledgement na nilagdaan nito at pag-amin ng isa pa na nagbayad ang dati nitong karelasyon ng halos kalahati sa kanilang property. 

“Dito, napagpasyahan ng Korte Suprema na ang nilagdaang Acknowledgment, kung saan inamin ng isang kapareha na nagbayad ang isa pa ng halos kalahati ng gastos sa ari-arian, ay itinuturing na may bisa at sapat na patunay ng aktuwal na ambag. Ito ang nagpatibay sa pagiging magkatuwang na may-ari,” pagtatapos pa nila. 

Mc Vincent Mirabuna/Balita