Nagsalita ang dating miyembro ng SexBomb Girls na si Izzy Trazona tungkol sa pinag-usapang social media post ng transwoman na anak na si Sofia Trazona, tungkol sa hindi na nila pagkikita.
Sinabi ni Sofia na hindi pa sila nagkikita ng kaniyang ina at natatakot siyang makita siya nitong transwoman na, sa pamamagitan ng X post noong Lunes, Pebrero 9.
"[S]a lahat ng nag-message sa akin, no. [D]i na po kami nagkikita ni mama."
“[I] also am scared na pagnakita niya na ako ngayon as a transwoman, iba yung reaction na mareceive ko and ayoko na bumalik sa dark place nung lumabas yung issue,” saad ni Sofia.
“[I] just want validation and acceptance. Wala [nang] iba,” dagdag pa niya.
Ibinahagi rin ni Sofia na dahil sa nananatiling “unresolved relationship” sa ina, hindi na rin daw siya nakakapunta sa family events sa side nito tulad ng birthdays at mga reunion.
“[I]t’s honestly so sad na di na ko nakakapunta sa mga reunion sa mom’s side, even birthdays kase whenever pumupunta ako lagi lang akong pinag-uusapan and pinagkakaisahan,” aniya.
Kaugnay na Balita: Sofia Trazona, di pa rin maayos relasyon sa inang si Izzy
Matatandaang naging mainit na isyu ang ibinahaging long message ni Izzy tungkol sa pagiging drag queen ni Sofia noong Setyembre 2023.
Aniya, lubos ang pagmamahal niya sa anak para hindi siya maging supportive sa mga ginagawa niya.
Kaugnay na Balita: Sexbomb Izzy Trazona, hindi tanggap ang pagiging drag queen ng anak?
Samantala, ayon naman sa ulat ng PEP, nakapanayam nila si Izzy matapos ang guesting nito kasama ang asawang si Alvin Aragon nitong Martes, Pebrero 10 sa "Fast Talk with Boy Abunda."
Ang naitanong ng PEP sa kaniya ay kung totoo bang wala na silang komunikasyon ng anak. Nagtaka pa raw si Izzy sa mga sinabi ng anak dahil kaka-message lang daw sa kaniya nito, at tumutugon naman siya. In short, nagkakapalitan sila ng mensahe.
"Hindi ko alam kung bakit kailangan niyang gawin 'yon. Not true po," saad umano ni Izzy, na nagulat sa mga tinuran ng anak.
Ang huling mensahe raw ng anak sa kaniya ay pagiging very proud nito sa kaniya dahil naninindigan siya sa alam niyang tama, at pagpunta niya sa rAWnd 4 reunion concert ng SexBomb noong Sabado, Pebrero 7.
At batay rin sa sagot ni Izzy, mukhang nagulat din siya sa rebelasyon ng anak sa social media na magsisimula na siya sa isang operasyong may kinalaman sa transitioning niya, sa Marso 2026.
Hindi naman nabanggit sa ulat kung naitanong ang tungkol sa mismong nakalagay sa post ni Sofia na hindi na sila nagkikita ng ina.
Maaari kasing nakakapagpalitan sila ng mensahe sa isa't isa sa pamamagitan ng texting o social media platforms subalit hindi pa nagkikita nang personal simula nang pumutok ang isyu ng pagiging transwoman.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Sofia tungkol sa naging sagot ng ina sa panayam ng PEP.