Tila hindi umano bukas tanggapin ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Commodore Jay Tarriel ang panawagan ni Senator Alan Peter Cayetano na humingi siya ng dispensa kaugnay sa caritcature na ginamit niya noon tungkol sa China.
Ayon sa naging panayam ng True FM kay Tarriela nitong Martes, Pebrero 10, 2026, sinabi niyang nakikita raw niyang tila “weird” ang panawagan ni Cayetano at kinuwestiyon niya ang dahilan kung bakit ba raw siya dapat humingi ng dispensa.
“Para sa akin, I find it very weird. Bakit ako magso-sorry?” pagsisimula niya.
Photo courtesy: PCG Spox Tarriela (FB), via MB
Ani Tarriela, sapat na raw ba na humingi siya ng tawad sa China dahil sa caritcature sa kabila ng umano’y pangha-harass nito sa mga mangingisda at awtoridad ng Pilipinas.
“Kasi ang tanong ko diyan, ‘yon bang caricature na ginawa ko na ‘yon is more than enough to compensate us doon sa harassment ng Chinese Coast Guard doon sa mga mangingisda, against sa Philippine Coast Guard vessels, sa mga nakaraang pagharang nila sa re-supply mission,” aniya.
Dagdag pa niya, “Are these enough na mabayaran tayo dahil sa caricature– at saka excessive na ba talaga ‘yon para ako, magso-sorry.”
Anang commodore, hindi naman daw kailanman humingi ng tawad ang China sa nagawa nito sa mga Pilipino.
“Samantala ang Chinese government, did they ever apologize sa ginagawa nila sa ating mga mangingisda, sa ginawa nila sa Coast guard and the Armed Forces of the Philippines,” diin niya.
Pagpapatuloy ni Tarriela, “weird” daw ang panawagan ni Cayetano at kinuwestiyon kung kailan huling tumindig ang senador para sa Pilipinas.
“I find it very weird. Senator Cayetano asking me to apologize dahil sa caricature. Pero my question is when was the last time that Senator Alan Cayetano stood up at sinabi niyang ‘Chinese embassy, Chinese government, mag-apologize din kayo sa Pilipinas’” saad niya.
“Did we ever hear him saying those kinds of questions?” tanong pa niya.
Paliwanag naman ni Tarriela, ginamit niya raw ang nasabing caricature tungkol sa China sa lecture niya sa isang unibersidad sa Manila.
“‘Yong presentation na ‘yun, hindi ‘yun official statement, hindi ‘yun press con na ginagawa ko. That photo a kinuha sa akin, na nailabas natin is a lecture that I am giving sa isang university dito sa Manila,” ‘ika niya.
Paglilinaw pa niya, hindi naman daw siya nagpapaliwanag ng posisyon ng gobyerno sa naturang lecutre sa unibersidad at naniniwala siyang may freedom of expression pa rin na kailangang sundin sa bansa.
“Hindi siya pag-e-explain ng posisyon ng gobyerno. It’s an academic distinction and as far as I’m concerned, in this country, we still have freedom of expression. Ginawa ito sa loob ng Pilipinas, ang kausap natin ay mga Pilipinong estudyante sa setting ng eskwelahan,” giit niya.
“I don’t think that there is something wrong with that para sabihing I violated diplomatic protocol. I mean this is happening within the classroom setting,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na tugon, reaksyon, o pahayag si Cayetano kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Matapos bantaang ibabala sa kanyon vs. China: PCG spox Tarriela, bumwelta kay Rep. Marcoleta
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Marcoleta, naglatag muna ng kondisyon bago pumuntang KIG
Mc Vincent Mirabuna/Balita