Natagpuan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) -Soccskargen ang isang patay na dugong sa dalampasigan ng General Santos. Sarangani, kamakailan.
Ayon sa pahayag ng DENR noong Lunes, Pebrero 9, buntis ang nasabing dugong na inanod sa pampang ng GenSan noong Sabado, Pebrero 7, at may tinataya itong bigat na 400-500 kg.
Base sa ulat ng Sarangani Bay Protected Seascape (SBPS) sa ahensya, nakitang normal ang internal organs ng dugong at walang foreign objects o iba pang ingested materials na natagpuan sa katawan nito, na posibleng nagdulot sa pagkamatay nito.
Noon ding Biyernes, Pebrero 6, nakapagtala rin ng dugong sighting ang Protected Area Management Office of the Sarangani Bay Protected Seascape (PAMO-SBPS) sa karagatan ng Kiamba, kasama ang mga anak nito.
Dahil sa magkasunod na sightings ng mga dugong sa karagatan ng Sarangani, kinumpirma ng SBPS na nananatiling importanteng tahanan ng mga dugong ang Sarangani Bay.
Kaya binibigyang diin nila ang mahalagang gampanin ng mga ahensya ng gobyerno at partner stakeholders sa proteksyon ng mga dugong at kanilang tahanan.
“These closely timed events reflect both the gains achieved through conservation efforts and the need for sustained vigilance,” SBPS officials said. The sighting of a mother and calf, together with the recent stranding incident, further confirms that Sarangani Bay remains an important habitat for dugongs, underscoring the vital role of government agencies, local communities, and partner stakeholders in ensuring the continued protection of this endangered marine species and its habitat,” saad ng DENR sa pahayag nila.
Ang mga dugong ay tinuturing na kabilang sa “endangered species” at dahil nakadepende ang mga ito sa mayabong na seagrass ecosystems, nananatili silang “vulnerable” sa mga panganib mula sa polusyon sa karagatan, boat strikes, at habitat degradation.
Pinaalalahanan ng DENR ang publiko na tumulong sa pagprotekta sa mga dugong sa pamamagitan ng paglayo kung makikita ang mga ito sa katubigan, iwasang habulin o pakainin, at ang responsableng pag-aalaga ng karagatan at mga dalampasigan.
Para sa mga makakakita ng dugong sa katubigan o dalampasigan, hinihikayat ng DENR na agad itong ipagbigay-alam sa mga awtoridad.
“The public is reminded to help protect dugongs by maintaining a safe distance when sighted, avoiding chasing or feeding marine mammals, reducing boat speed in seagrass and shallow coastal areas, and properly disposing of waste to prevent marine pollution. Any dugong sighting or stranding should be immediately reported to PAMO-SBPS or concerned local authorities,” paalala ng DENR.
Sean Antonio/BALITA