Maagang bumalaga sa mga motorista ang operasyon ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) nitong Lunes, Pebrero 9, 2026, kung saan tinatayang 20 mga driver at rider ang nabigyan ng ticket dahil sa pagdaan sa EDSA bus lane.
Kabilang sa mga naitklo ng SAICT ang ilang mga rider, AUV at SUV drivers.
Kaugnay nito, dalawang rider naman ang buminggo sa mga awtoridad matapos magtangkang tumakas nang masita sila sa kahabaan ng bus lane sa Santolan, Quezon City.
"Yung violation niya na una yung… unauthorized vehicle passing through busway. Tapos yung counterflow niya bale papasok po sa reckless driving. Tapos yung plaka niya tinatakpan ng facemask. So ibig sabihin ginagawa na niya iyon—baka dati niya nang ginagawa para hindi siya ma-NCAP," ani SAICT-Special Operation Unit (SOU) Head Roldan Turla.
Isang motorista rin ang nagtangkang tumakas at dumipensang napasingit lang umano siya sa bus lane at naipit na ng daloy ng mga sasakyan kaya hindi raw siya makabalik sa regular lane.
Nasa ₱5,000 ang multa para sa mga motoristang dumadaan sa nasabing bus lane.
Ayon pa sa SAICT, umabot raw ng 38 motorista ang nasakote nila sa pagdaan sa bus lane noong Huwebes, Pebrero 5, habang 48 naman noong Biyernes, Pebrero 6.