'NGUNIT HINARAP NI BONG NANG TAAS NOO AT BUONG TAPANG'
Isiniwalat ni Cavite 2nd District Rep. Lani Mercado na maraming nag-uudyok sa kaniyang mister na si dating Senador Ramon "Bong" Revilla Jr. na magtago na lang sa kabila ng mga kinahaharap nitong kaso kaugnay sa umano'y maanomalyang flood control project.
Ayon kay Mercado, marami umanong nag-uudyok sa dating senador na magtago na lamang. Pero mas pinili raw ng senador na sumuko sa awtoridad dahil naniniwala, aniya, ang senador na kakampi nito ang katotohanan.
"Maraming humihimok sa kaniya na huwag sumuko, na iwasan ang mga batikos, na iwasan ang mga akusasyon, marami ang nag-udyok sa kaniya na magtago ngunit hinarap ni Bong nang taas noo at buong tapang, sumuko sa awtoridad," saad niya sa isinagawang ecumenical prayer rally for truth and justice noong Linggo, Pebrero 8, 2026 sa Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite.
"Hinarap niya sa kabila ng sakit at malaking sakripisyo. Sinuko niya ang kaniyang dignidad 'pagkat buo sa kaniyang loob na wala siyang kasalanan. Naniniwala siya na kakampi niya ang katotohanan," dagdag pa niya.
Sa naturang prayer rally din nabanggit ni Mercado na napakabigat at isang malaking dagok sa kanilang pamilya ang nangyari kay Revilla.
Present din sa prayer rally ang mga anak nina Mercado at Revilla na sina Agimat Partylist Rep. Bryan Revilla, Cavite 1st District Rep. Jolo Revilla, at Cavite Vice Governor Ram Revilla Bautista.
Matatandaang sinampahan ng mga kasong graft at malversation ng Office of the Ombudsman si Revilla at anim (6) na iba pang executives mula sa Department of Public Works and Highways sa Bulacan 1st District Engineering Office dahil sa umano’y ₱92.8 million ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Maki-Balita: Bong Revilla, 6 na iba pa kinasuhan ng Ombudsman!
Noong Enero 19, sumuko si Revilla sa awtoridad kasunod ng kaniyang warrant of arrest at hold departure order na inilabas ng Sandiganbayan kaugnay ng kasong non-bailable malversation na may kinalaman sa isang maanomalyang flood control project
Maki-Balita: Revilla, sumuko na: 'Nakakalungkot po parang wala yatang due process'
Noong Enero 20, naglagak ng ₱90,000 piyansa ang dating senador kaugnay ng kasong graft na isinampa laban sa kaniya, na may kinalaman pa rin sa ₱92.8 milyong “ghost” flood control project sa Pandi, Bulacan.
Maki-Balita: Revilla nagpiyansa sa graft case, kulong pa rin dahil sa malversation case