February 09, 2026

Home BALITA National

Rep. Lani Mercado sa prayer rally para kay ex-Sen. Bong Revilla: 'Masakit at nakakagalit'

Rep. Lani Mercado sa prayer rally para kay ex-Sen. Bong Revilla: 'Masakit at nakakagalit'
courtesy: Ramon Bong Revilla, Jr./FB screenshot, MB file photo

'ANG INOSENTE AY PINIPIIT AT BINUBUSALAN'

Emosyunal na nagbigay-mensahe si Cavite 2nd District Rep. Lani Mercado sa isinagawang prayer rally para sa kaniyang mister na si dating Senador Ramon "Bong" Revilla, na kasalukuyang nakadetine sa Payatas Jail sa Quezon City. 

Noong Linggo, Pebrero 8, 2026, nagsagawa ng ecumenical prayer rally for truth and justice ang pamilya at mga tagasuporta ni Revilla sa Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite. 

Dinaluhan ito ng tinatayang nasa 5,000-6,000 katao, ulat ng Kawit Municipal Police Station sa Manila Bulletin nitong Lunes, Pebrero 9, kabilang na ang mga representante ng iba't ibang religious groups.

National

'I remain willing! Sen. Risa, nananatiling bukas tumakbong Pangulo sa Halalan 2028!

Sa naturang prayer rally, hindi mapigilang maging emosyonal ni Mercado dahil naranasan ng kaniyang mister. 

"Napakabigat po ng panahong ito para po sa aming pamilya. Ngunit sa inyo kami humuhugot ng lakas at higit sa lahat sa Panginoong Diyos," saad ni Mercado.

"Masakit, at higit sa lahat, nakakagalit na masilayan ang aming mahal na ama, ang aking mahal na asawa sa kaniyang pinagdaraanan ngayon. Sapakat ang kaniyang pagdurusa ay hindi bunga ng pagsuko sa isang kasalanan, kundi isang pagsuko sa sistemang pumayag sa kawalan ng hustiya, sa kawalan ng tunay na katarungan. Kung saan, ang inosente ay pinipiit at binubusalan. Ito ay sugat sa puso namin, sugat sa supporters niya, at sugat sa bawat mamamayang Pilipino sa kaniyang tinulungan," dagdag pa niya. 

Para kay Mercado, bagama't isang malaking dagok para sa kanila ang nangyari sa dating senador, kinaya raw nila itong kaharapin dahil sa pagmamahal at suporta ng mga tao sa kanila.

"Isang malakas na dagok sa aming puso at damdamin. Ngunit sa inyong pagmamahal na inyong pinapakita ngayong gabi... kaya naming harapin, kayang harapin ni Senator Bong Revilla ang patuloy na pagpukol ng maling akusasyon laban sa kaniya," ika pa ng mambabatas. 

Ibinahagi rin ng maybahay ni Revilla na maraming umuudyok sa dating senador na magtago na lamang. Pero mas pinili raw ng senador na sumuko sa awtoridad dahil naniniwala, aniya, ang senador na kakampi nito ang katotohanan. 

"Maraming humihimok sa kaniya na huwag sumuko, na iwasan ang mga batikos, na iwasan ang mga akusasyon, marami ang nag-udyok sa kaniya na magtago ngunit hinarap ni Bong nang taas noo at buong tapang, sumuko sa awtoridad. Hinarap niya sa kabila ng sakit at malaking sakripisyo. Sinuko niya ang kaniyang dignidad 'pagkat buo sa kaniyang loob na wala siyang kasalanan. Naniniwala siya na kakampi niya ang katotohanan," ani Mercado. 

Sa pagmamahal at suporta raw ng mga tao hindi raw isusuko ni Revilla ang pagmamahal nito sa bayan at sa mga Caviteño, at mga Pilipino.

"There's no greater power than prayer... Naniniwala ako sa panahon ngayon na binabalot tayo ng kadiliman, at the end of the tunnel there is light. At ang magbibigay-liwanag sa ating lahat, at sa ating bansa ay ang ating Panginoong Diyos," kumpiyansang sabi pa ni Mercado.

Lubos ang pag-asa ng kongresista na darating ang oras na masisiwalat ang katotohanan. 

Sa huli, muli siyang nagpasalamat sa mga patuloy na sumusuporta kay Revilla at sa kanilang pamilya.

Present din sa prayer rally ang mga anak nina Mercado at Revilla na sina Agimat Partylist Rep. Bryan Revilla, Cavite 1st District Rep. Jolo Revilla, at Cavite Vice Governor Ram Revilla Bautista.

Matatandaang sinampahan ng mga kasong graft at malversation ng Office of the Ombudsman si Revilla at anim (6) na iba pang executives mula sa Department of Public Works and Highways sa Bulacan 1st District Engineering Office dahil sa umano’y ₱92.8 million ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Maki-Balita: Bong Revilla, 6 na iba pa kinasuhan ng Ombudsman!

Noong Enero 19, sumuko si Revilla sa awtoridad kasunod ng kaniyang warrant of arrest at hold departure order na inilabas ng Sandiganbayan kaugnay ng kasong non-bailable malversation na may kinalaman sa isang maanomalyang flood control project

Maki-Balita: Revilla, sumuko na: 'Nakakalungkot po parang wala yatang due process'

Noong Enero 20, naglagak ng ₱90,000 piyansa ang dating senador kaugnay ng kasong graft na isinampa laban sa kaniya, na may kinalaman pa rin sa ₱92.8 milyong “ghost” flood control project sa Pandi, Bulacan.

Gayunman, hindi pa rin pinahihintulutang makauwi si Revilla matapos maglabas ng kautusan ang Sandiganbayan Special 3rd Division na ilagay siya sa pansamantalang kustodiya sa New Quezon City Male Dormitory Jail sa Payatas.

Batay naman ito sa kasong malversation na kinakaharap ng dating senador, na may kaugnayan pa rin sa parehong proyektong ipinagkaloob sa isang kontratista noong Marso 2025.

Maki-Balita: Revilla nagpiyansa sa graft case, kulong pa rin dahil sa malversation case