Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pagkamatay ng isang police lieutenant na natagpuang patay sa loob ng sarili niyang headquarters sa Camp Catitipan, Davao City nitong Lunes ng umaga, Pebrero 9, 2027.
Ayon sa mga ulat, nadiskubre ang pagkamatay ng biktima, ilang oras bago ang pagbisita doon ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr.
Batay pa sa mga ulat, isang officer ang nakakita sa wala nang buhay na katawan ng biktima nang puntahan niya ito sa opisina. Hindi raw kasi nila ito ma-contact para sabihing ilipat ang nakaparada niyang sasakyan para sa paghahanda ng kanilang headquarters sa pagdating ni Nartatez.
Duguan habang nakaupo sa upuan malapit sa kaniyang mesa ang biktima habang nakalabas din sa baril na hinihinalang ginamit sa pagkitil ng kaniyang buhay.
Wala pang inilalabas na pahayag ang mga awtoridad kung may foul play o motibo na sa pagkamatay ng biktima.
Samantala sa hiwalay na pahayag ng Police Regional Office 11, nakiramay sila sa mga naulila ng biktima at nangakong magiging transparent daw sila sa isinasagawang imbestigasyon.
Nakiusap din sila sa publiko na tigilan na ang mga espekulasyon sa pagkamatay ng biktima, para na rin sa seguridad ng pamilya nito.