Wala nang buhay nang makita ang isang 11 taong gulang na lalaki sa isang tabing-dagat sa Cauayan City, Negros Occidental nitong Lunes, Pebrero 9, 2026.
Ayon sa mga ulat, ang nasawing bata ay residente ng Barangay Tiling, Cauayan City, Negros Occidential—na siyang nawawala simula pa noong Linggo, Pebrero 8, 2026.
Bago matagpuan ang katawan ng bata, napaulat na tumungo pa ang ina nito sa isang radio station upang manghingi ng saklolo at iparating ang balita hinggil sa pagkawala ng kaniyang anak.
Tiyahin umano ng bata ang nakakita sa katawan nito, matapos nitong hagilapin ang paslit sa tabing-dagat—sa pag-asang makita ito sa nasabing lugar.
Nang matagpuan ang katawan nitong nakabaon sa buhanginan, tumawag ang tiyahin sa pulisya upang magkasa ng agarang imbestigasyon.
Sa gitna ng pagsusuri at imbestigasyon, nakitang hawak-hawak pa ng bata ang isang gamit na umano’y ginamit nito panghukay.
Base pa sa mga impormasyong nakalap nila, madalas na naglalaro ang bata sa tabing-dagat, kung saan siya ay naghuhukay at inililibing niya ang sarili sa buhanginan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa pagkamatay ng 11 taong gulang na bata.
Vincent Gutierrez/BALITA