Isinalaysay ni Queen of All Media Kris Aquino ang naging palitan nila ng text messages ng kaisa-isang kuya na si yumaong dating Pangulong Benigno Simeon "Noynoy" Aquino III, noong "brutally crucified" daw ang huli sa social media, na maaaring tumutukoy noong panahon ng kaniyang administrasyon.
Nitong Lunes, Pebrero 9 lamang nag-post sa kaniyang Instagram account si Kris para sa pagdiriwang sa ika-66 na anibersaryo ng kaarawan ni PNoy noong Linggo, Pebrero 8.
Isinabay ito ni Krissy sa pagbibigay ng ilang health updates, kabilang na ang paglipat daw sa bagong bahay, matapos niyang ma-discharge mula sa ospital.
Kuwento ni Kris, ipinayo raw niya sa kuya niya, na depensahan ang sarili mula sa bashers at haters na kumukuyog sa kaniya sa social media.
Hindi naman tinukoy ni Kris kung tungkol saan ito.
"The actions of two men shall remain unwritten because yesterday would have been the 66th birthday of my brother, my only Kuya, Benigno S. Aquino III," aniya.
"We once had a text message exchange during a time when he was being so brutally crucified on social media. I can remember so clearly his reply to me when I said: 'You’re being beaten up so badly. Defend yourself—it’s so unfair. This mess is not your fault. You don’t have to be the silent leader all the time because you have a legacy of many achievements to protect,'" sabi raw niya kay PNoy.
Tugon daw sa kaniya ng kuya, huwag na raw itong patulan at ipaubaya na lamang sa Poong Maykapal. Ang mahalaga raw, malinis ang kaniyang konsensya.
"Kristina, please learn to relax and leave everything up to the One above. My conscience is clear, and I can still sleep peacefully."
"Matulog ka na, and please, ‘wag kang pumatol.’ Less talk, the sooner this will die down. If you talk, you will just fan the flames, and who will be the happiest? Our enemies. Our birthdays are coming—let’s have peaceful ones," saad pa raw ng dating pangulo.
Samantala, sinabi rin ni Kris na pinaplano na nila ang pagkakaroon ng podcast kung saan idedetalye niya rito ang tungkol sa kaniyang health challenges.