Tila bukas pa rin umano at handang tumakbo sa pagka-Pangulo si Sen. Risa Hontiveros sa paparating na Halalan 2028 kung mangyayari raw ang matagal na niyang kondisyon.
Ayon kay Hontiveros, sa isinagawa niyang press conference nitong Lunes, Pebrero 9, 2026, sinabi niyang “open” at “willing” pa rin daw siyang tumakbo sa nasabing posisyon kung pipiliin daw siya ng United Opposition.
“I remain open, I remain willing. At ‘yong kondisyon ko ay ‘yong tulad no’ng matagal ko na ring sinasabi kung piliin [ako] ng United Opposition,” pagsisimula niya.
Ani hontiveros, intensyon daw kasi niyang mag-alok ng pinakamalakas at mapagkakatiwalaang kandidato sa paparating na halalan.
“Kasi sinabi ko na rin ng matagal na kailangan ng oposisyon kung lalaban kami 2028—at ‘yon ‘yong intention o desire ko na lalaban kami sa 2028, na mag-alok sa ating mamamayan ng pinakamalakas at credible na kandidato,” paliwanag niya.
Dagdag pa niya, “I would be willing to take on any task na hinihingi ng United Opposition. Pasensya rin, pabalik-pabalik ako doon kasi ‘yon ‘yong, kumbaga, kondisyon ko sa kahit ano. Kung magkaisa kami sa usaping 2028, palagay ko ‘yon ‘yong magpapalakas ng tiyansa namin.”
Anang senador, susuportahan din niya kung sinoman ang mabubuong “slate” o team na makakasama niya sakali sa United Opposition.
“And kung sino ang buuin naming team or slate para doon, susuportahan ko ‘yon. Nakahanda akong gawin ang lahat para i-materialize ‘yong ganoong scenario,” pagbabahagi niya.
Kaugnay nito, matatandaang nauna na ring ipahayag sa publiko ni Hontiveros ang pagiging bukas niya na pangunahan ang oposisyon sa eleksyon 2028.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Risa, bukas maging standard bearer ng oposisyon sa 2028
“‘Di ko pa masabi kung sino ang magiging standard-bearer namin kasi mag-a-agree pa kami sa isang proseso at gagawin pa namin ang proseso na ‘yon,” saad ni Hontiveros sa isang conference noong Setyembre 6, 2026, sa Cebu.
Dagdag pa ng senadora, “Pero ang masasabi ko magkakaroon ng standard bearer ang opposition.”
Samantala, inihayag naman niya ang pagiging bukas sa posibilidad na maging standard bearer nito matapos siyang tanungin tungkol dito.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Risa, posibleng tumakbo sa 2028 presidential race?
Mc Vincent Mirabuna/Balita