Tila bukas umanong bigyan ng pagkakataon ni Senate Majority Leader Migz Zubiri si Sen. Rodante Marcoleta upang makapagpaliwanag sa naging pahayag nito tungkol sa Kalayaan Island Group (KIG).
Matatandaang tila iminungkahi ni Marcoleta sa pagdinig ng Commission on Appointments (CA) noong Pebrero 4, 2026, na “i-give up” ang KIG dahil hindi raw umano ito sakop ng Exclusives Economic Zone (EEZ).
“Ang gawin natin po, para madali, i-give up natin ‘yong KIG then mako-coordinate na natin lahat. But until and unless nandoon ‘yong KIG, nasa labas po ng ating Exclusive Economic Zone, papaano po malalagay sa entire West Philippine Sea?” pahayag ni Marcoleta.
Ayon naman kay Zubiri, sa Facebook post niya nitong Lunes, Pebrero 9, 2026, mariin siyang tumindig na hindi raw sila papayag na isuko ang KIG dahil malinaw na bahagi ito ng teritoryo ng Pilipinas.
“Hindi tayo papayag na isuko ang Kalayaan Island Group dahil malinaw na bahagi ito ng teritoryo ng Pilipinas under the Constitution, the UNCLOS at pinagtibay ng 2016 arbitral ruling,” pagsisimula niya.
Screenshot mula sa FB post ni Zubiri.
Ani Zubiri, pinagtitibay rin daw ng tindig niyang ito ang tungkol sa naipasa nilang batas noon sa 19th Congress na Philippine Maritime Zones Act o RA 12604 at Archipelagic Sea Lanes Act o RA 12065.
“Dalawang batas din ang ating ipinasa noong 19th Congress na nagpapatibay ng ating karapatan sa West Philippine Sea at sa KIG: Philippine Maritime Zones Act (RA 12604) and Archipelagic Sea Lanes Act (RA 12065),” aniya.
Pagpapatuloy pa ng nasabing senador, obligasyon daw ng pamahalaan na protektahan ang komunidad at mga Pilipinong nasa loob ng KIG.
“There are actual Filipinos and Filipino communities in KIG, at obligasyon ng gobyerno na ipaglaban ito para sa kasalukuyan at susunod na henerasyon,” saad niya.
Anang Senate majority leader, titingnan daw muna niya ang mga naging pahayag ni Marcoleta at bibigyan ito ng pagkakataong makapagpaliwanag.
“I will have to check first what Sen. Marcoleta really meant, especially since he is now denying the statement, and he should be given the chance to explain,” ‘ika niya.
“Pero malinaw ang prinsipyo natin: ang Pilipinas ay atin, ang WPS ay atin, at ang KIG ay atin at hindi puwedeng isuko kailanman,” pagtatapos pa niya.
Samantala, wala pa namang inilalabas na pahayag, reaksyon, o tugon si Marcoleta kaugnay sa naging tindig ni Zubiri.
Matatandaang mariin na ring inalmahan ni Marcoleta ang tungkol sa naging sarili niyang pahayag kaugnay sa pagmumungkahing “i-give up” ang KIG dahil hindi naman daw ito nasasakop ng EEZ ng Pilipinas.
KAUGNAY NA BALITA: 'Di ko sinabing ipamigay!' Sen. Marcoleta, mariing itinanggi suhestiyong isuko KIG
Ani Marcoleta, hindi raw niya sinabing ipamigay ang KIG at nililihis lang umano ng ilang indibidwal ang kahulugan ng kaniyang naging unang pahayag.
Pagpapatuloy ni Marcoleta, kailangan daw magbigay ng bansa ng mapa sa United Nation para mapasama ang WPS sa International Hydrographic Organization (IHO).
Ngunit hindi raw iyon magiging posible dahil maaaring lumabag ang Pilipinas sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) kaya niya nasabing “i-give up” ang KIG para raw matapos ang problema.
KAUGNAY NA BALITA: Rep. Marcoleta, humirit i-frontline PCG spox, 'mayabang' na senador vs Tsina!
KAUGNAY NA BALITA: ‘He does not have to worry!’ Tarriela, pinapapunta si Marcoleta sa KIG
Mc Vincent Mirabuna/Balita