Nagpalutang-lutang sa dagat ang isang 66-taong gulang na mangingisda matapos tumaob ang sinasakyan niyang bangka, nitong umaga ng Lunes, Pebrero 9.
Base sa ulat ng Aborlan Municipal Police station, natanggap ng mga naka-duty na kapulisan sa West Coast, Aborlan, Palawan, ang impormasyon ng insidente mula kay Samuel Talbo, na isang estudyante mula sa Apurawan National High School.
Anila, ang tumaob na bangka ay natangay sa layong tatlong kilometro mula sa baybayin.
Ang nasabing mangingisda ay kinilalang si Maricio A. Aurino, mula sa Sitio Sto. Niño, Brgy. Apurawan, Aborlan, at ayon sa pahayag niya sa mga awtoridad, pauwi na siya mula sa pangingisda nang biglang hinampas ng malalakas na alon ang kaniyang bangka, na naging dulot para tumaob ito.
Saad pa ni Aurino, sinubukan niyang itulak ang bangka niya papuntang dalampasigan ngunit lalo pa itong lumayo dahil sa lakas at laki ng mga alon.
Ang rescue operations ay pinangunahan nina PMSg Arnel B. Nacional at PCpl Michael Tom J. Kutat, kasama ang mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs) at ilang mga residente ng Sitio Sto. Niño.
Sean Antonio/BALITA