Dead on the spot ang isang 16 taong gulang na babae matapos siyang barilin sa noo ng kaniyang mister sa Maguindanao del Sur.
Ayon sa mga ulat, nagpapasuso noon ang biktima sa kanilang sanggol nang bigla siyang barilin ng suspek.
Lumalabas sa imbestigasyon, na nagkaroon daw ng mainit na pagtatalo ang suspek at biktima dahil umano sa matinding pagseselos ng suspek na siyang nakikitang motibo ng mga awtoridad sa likod ng karumal-dumal na krimen.
Hindi naman nasaktan ang sanggol na pinapadede noon ng biktima matapos niya umano itong yakapin nang mahigpit upang maprotektahan bago siya barilin ng suspek.
Samantala, hindi na raw isinugod pa sa ospital ang biktima na agad ding inilibing ng kaniyang mga kaanak. Nasa pangangalaga na ng pamilya ng biktima ang naulila niyang sanggol.
Patuloy naman ang pagtugis ng mga awtoridad sa suspek na mabilis daw nagtago at umalis sa crime scene matapos ang krimen.