Hindi maikubli ng aktres na si Yasmien Kurdi ang pagiging proud mommy sa panganay niyang anak matapos itong magbahagi ng kaniyang speech sa bago niyang eskwelahan, noong Sabado, Pebrero 7.
“GRABE Ayesha! Wala kaming masabi,” ito ang caption sa clip ng speech ni Ayesha sa De La Salle Santiago Zobel School (DLSZ) Open House.
Makikita sa clip na isa si Ayesha sa new students na naging speaker sa Open House, kung saan inilarawan niya ang paaralan bilang kaniyang “space of growth, guidance, and home.”
Kaya saad pa ni Yasmien sa caption niya, ang speech ni Ayesha ay ang “best gift” na kaniyang natanggap bilang magulang dahil sa katapangan at lakas ng loob na ipinamalas ng anak.
“Watching you stand there so brave and confident is the best gift our hearts could ever receive as your parents. And seeing how you overcame everything with God’s guidance within you means more to us than words can say ,” ani Yasmien.
Aniya pa, lubos ang pagpapasalamat niya na ngayo’y nasa “safe place” na ang anak kung saan siya ay protektado, suportado, at kinakalinga.
“Always proud of you, our forever baby girl! Napaiyak mo nanaman ako… We love you. Mama and Papa will always protect you!” pagbati pa ni Yasmien sa anak.
Matatandaan na idinetalye ni Yasmien ang bullying na naranasan ni Ayesha sa dati nitong paaralan noong Disyembre 2024.
Ibinahagi niya sa isang Facebook post na nakita niya ang mga punit-punit na larawan ni Ayesha sa ibabaw ng desk niya.
MAKI-BALITA: Anak ni Yasmien Kurdi, nakaranas ng bullying sa paaralan
KAUGNAY NA BALITA: Yasmien Kurdi, nadurog ang puso matapos may makita sa desk ng anak
Kaya Pebrero 2025, ibinahagi ni Yasmien na inalis na niya sa nasabing paaralan si Ayesha para ilipat sa homeschool para mabigyan ito ng “safe space and environment.”
MAKI-BALITA: Yasmien inalis na ang anak sa inireklamong paaralan, nagho-homeschool na
Sean Antonio/BALITA