Naglabas ng opisyal na pahayag ang mga negosyante at franchise owners na sina Jonathan So at Carlito Macadangdang matapos makaladkad ang pangalan sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan.
Batay sa mga naglabasang ulat mula sa isang news outlet, ayon umano sa imbestigasyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), ang yaman daw ng business partners na mula sa kuwentong mula sa kahirapan tungo sa tagumpay, na nakapagtayo ng negosyo mula sa pagbebenta ng siomai, mga produktong pangkalusugan, hanggang mga face mask laban sa COVID-19—na sinabayan ng mamahaling sasakyan, magagarbong paglulunsad, at maingay na presensya sa social media ay hindi raw basta lumago; dahil din umano sa mga natanggap daw nilang kickback mula sa ghost projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Matapos ang ilang araw na pagiging laman ng mga balita, naglabas ng joint statement ang magkasosyo sa pamamagitan ng kanilang social media accounts.
Mariin nilang itinanggi ang mga alegasyon laban sa kanila, at nangakong lilinisin nila ang mga pangalan nila sa tamang venue at forum.
Wala anila silang anumang kaugnayan at kanilang kompanya sa ghost flood control projects kasunod ng pag-uugnay ng kanilang pangalan sa mga paratang na aniya’y walang batayan at walang kinalaman sa kanilang pagkatao at gawain.
Anila pa, nauunawaan nila ang pangamba at bigat na nararamdaman ng publiko bunsod ng mga usap-usapan. Marangal daw nilang itinayo ang kanilang negosyo sa pamamagitan ng tapat na trabaho, sakripisyo, at patuloy na serbisyo.
Tahasan ding nilinaw ng dalawa na wala silang anumang partisipasyon sa sinasabing mga ghost flood control projects. Anila, ang naturang mga paratang ay hindi lamang umaapekto sa kanilang negosyo, kundi pati sa kanilang misyon at sa mga buhay na kanilang natulungan sa paglipas ng mga taon.
"Let us be clear: we have no involvement in any so-called 'ghost' flood control claims. None," anila.
"These accusations do not reflect our business, our mission, or the lives we have changed together. And while we respect the authorities and the process, we also believe every Filipino deserves fairness, due process, and the chance to be heard," dagdag pa.
Binigyang-diin din ng mga negosyante ang kanilang paggalang sa mga awtoridad at sa tamang proseso ng batas. Handa umano silang harapin ang isyu sa wastong forum at sagutin ang mga akusasyon sa tamang paraan, kumpiyansa na lalabas ang katotohanan sa huli.
Sa kabila ng kontrobersiya, nanawagan ang dalawa sa kanilang mga katuwang at empleyado na manatiling matatag, panatilihin ang dignidad, at ipagpatuloy ang kanilang trabaho nang may dangal.
Anila, totoo ang mga proyektong kanilang naisakatuparan at ang mga taong kanilang napagsilbihan—at walang paratang o headline sa balita ang makabubura nito.
"Until then, do not be shaken. Keep your DIGNITY. Keep doing your work with pride. What we have built is REAL. The people we have helped are real. And no headline can erase that," pahayag pa nila.
Photo courtesy: Screenshot from Jonathan So/IG
Tinapos nila ang pahayag sa pasasalamat sa mga patuloy na nagtitiwala at sumusuporta sa kanila, kasabay ng paniniwalang ang katotohanan ang mananaig at ang kanilang progresong nakabatay sa tapat na paggawa ay magpapatuloy.