Tuluyan nang binasag ni Kapuso actress Glaiza De Castro ang katahimikan hinggil sa isyung kinasasangkutan ng mister niyang si David Rainey.
Matatandaang naging sentro ng intriga si David matapos bigyang-malisya ng ilang netizens ang viral clip kung saan makikitang nakatingin siya kay Kapamilya star Maris Racal habang nagsasalita sa premiere night ng pelikulang “Unmarry” noong Disyembre 2025.
Dahil dito, may ilang komento umanong nagsabi na bantayan ni Glaiza ang asawa dahil may posibilidad itong mangaliwa.
Kaya sa latest episode “Fast Talk with Boy Abunda” kamakailan, inilahad ni Glaiza ang kuwento sa likod ng nasabing isyu.
Ayon sa kaniya, ang una raw niyang ginawa matapos kumalat ang video clip ay ipakita ito kay David.
"Sabi ko, 'You're trending.' Sabi niya, 'What? Bloody hell.' Gumano’n lang siya. Actually, hindi po talaga siya sanay sa public," lahad ni Glaiza.
"It was so awkward kasi magkahawak po kami ng kamay habang papunta kami sa stage,” pagpapatuloy ng aktres. “So ang iniisip ko, 'Ano ba? Sabihin ko ba sa kaniya na pupunta muna ako sa stage, ako muna, tapos mag-wait ka na lang.'”
Dagdag pa niya, "No’ng time na 'yon parang wala na kong time mag-isip at mag-decide. So sinama ko na lang siya sa stage kasi pumunta naman kami do'n to support our friend, si Angelica.”
Hanggang sa pinaakyat na rin umano sa entablado si Maris at Kean Cipriano.
Aniya, “So, syempre, ang tendency ni David parang, 'Anong gagawin ko rito?' Hindi naman din po siya kinakausap. Kumbaga, parang wala namang nagtanong sa kanya.”
“Ang nagsalita no’n si Kean, ako and, si Maris. So no'ng time na nagsasalita si Maris, of course, tumitingin siya kay Maris. So iyon 'yong explanation," dugtong pa ni Glaiza.
Sumangguni rin umano ang Kapuso actress sa kaniyang ina at pamangkin hinggil sa isyu ngunit pinayuhan siya ng kaniyang pamilya na dedmahin na lang ito.