Nagbigay-pugay at nagbalik-tanaw sa buhay at legasiya ng yumaong dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III si Senior Deputy Minority Leader at Caloocan City 2nd district Rep. Edgar "Egay" Erice, para sa ika-66 na kaarawan ng dating pangulo nitong Linggo, Pebrero 8, 2026.
Sa kaniyang mensahe na may pamagat na “Happy Birthday, F/President Pnoy!”, ipinahayag ng mambabatas ang kaniyang pangungulila sa dating pangulo at dating kaalyado sa Liberal Party (LP), at inilahad ang umano’y malaking kaibahan ng kalagayan ng bansa noon kumpara sa kasalukuyan.
Ayon sa kaniyang post, nasa humigit-kumulang 7% ang Gross Domestic Product (GDP) growth ng bansa noong panahon ni Aquino, habang aniya’y nasa 4.4% na lamang ito ngayon.
Binanggit din niyang naitala umano ang pinakamataas na antas ng foreign direct investment sa kasaysayan sa ilalim ng administrasyon ni Aquino, na ngayo’y halos wala na umano.
Ikinumpara rin ng kongresista ang sitwasyon sa edukasyon, kung saan sinabi niyang wala umanong classroom shortage noon, taliwas sa kasalukuyang kakulangan na tinatayang aabot sa 165,000 silid-aralan.
Dagdag pa niya, nasa pinakamababang antas umano ang foreign debt ng bansa noong panahon ni Aquino na ₱5.9 trilyon, kumpara sa kasalukuyang ₱17.7 trilyon, habang ang debt-to-GDP ratio ay mula 51% ay umakyat umano sa halos 65%.
Sa usaping pang-ekonomiya, iginiit din ng mambabatas na itinuturing noon ang Pilipinas bilang isa sa mga bansang may pinaka-promising na ekonomiya sa Timog-Silangang Asya, subalit ngayo’y muli umano itong tinatawag na “sick man.”
Binanggit din niyang balanse umano ang pambansang budget noon at minimal ang katiwalian sa mga proyektong pang-imprastraktura, taliwas aniya sa kasalukuyang sitwasyon na kaniyang inilarawan bilang malubha.
Tinapos ng kongresista ang kaniyang mensahe sa isang panawagan para sa hinaharap ng bansa.
“We need a Pnoy-like president in 2028,” saad niya.
Photo courtesy: Egay Erice (FB)
Ang naturang pahayag ay umani ng iba’t ibang reaksiyon mula sa netizens.
"Pinagmamalaki ko yan ang pinakadabest n naging presidente ng pilipinas at hindi korap at pinakulong ang mga korap sa bansa."
"Yung time ni PNoy marami ka mabibili sa 1000 pesos mo. Ngayon, yung 1k parang 100pesos ang halaga."
"We need an IRON HAND governance like PRRD. Time of reckoning is coming."
"The call center was booming in his time.. one of his achievements but of course he work silently with Mar Roxas on it.. he was not corrupt. Period."
"Ang naalala ko sa panahon ni pnoy ay yung bawal ang wangwang pero pwde mag concert sa bilibid,.bawal magpasok ng anumang matutulis na bagay sa airport pero may tanim bala naman.. ang the best yung duterte,nakakamis yung may kamay na bakal."
"Sana matuto na tayo pumili ng karapat dapat na mamuno ng bansa mga senador maging aral na satin ang nangyayare ngayon."