Nitong Linggo, Pebrero 8, bumuhos ang mga pag-alala at paggunita sa ika-66 anibersaryo ng kapanganakan ni dating Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III, o mas kilala sa mga bansag na “Noynoy” at “PNoy.”
Sa kaniyang Facebook post, inalala ng pinsan ni PNoy na si Sen. Bam Aquino ang aniya’y inspirasyong dinulot nito sa bansa.
“Nakaka-miss si PNoy. Ngayong ika-66 na anibersaryo ng kanyang kapanganakan, wala akong ibang salitang maisip kundi pasasalamat. Maraming salamat sa inspirasyon at sa buhay mo, Kuya Noy,” saad ni Sen. Bam.
MAKI-BALITA: 'Maraming salamat sa inspirasyon!' Sen. Bam, inalala si PNoy sa 66th birthday nito-Balita
Sa hiwalay namang social media post, ginunita rin ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Atty. Leila de Lima ang dating Pangulo ng bansa.
“With everything that is happening in our country today, we not only miss him, but are also reminded of the significance of the principles he fought for: integrity, moral courage, accountability, national dignity and justice,” ani De Lima.
MAKI-BALITA: De Lima, pinasalamatan si PNoy sa ‘tunay na liderato, dalisay na paglilingkod’-Balita
Sa usapin ng ekonomiya, demokrasya, at disenteng pamahalaan, madalas na namumutawi sa isipan ng bawat isa si PNoy.
Bida rin ang dating Pangulo sa mga tanyag niyang slogan tulad ng “Kayo ang boss ko!,” “Kapag walang korap, walang mahirap!,” “Bawal ang wang-wang!” at ang “The “Filipino is worth dying for. The Filipino is worth living for. If I may add, the Filipino is worth fighting for."
Pangunahing impormasyon kay ex-Pres. Noynoy Aquino
Si PNoy ay isinilang sa Maynila noong Pebrero 8, 1960.
Siya ay anak ni dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino at ni dating senador Ninoy Aquino.
Kilala ang pamilyang kinagisnan ni PNoy dahil sa politikang tinahak ng kaniyang mga magulang. Liban pa rito, ito marahil ang isa sa pinakamalaking oposiyon ng rehimeng Marcos Sr. noong nakataas pa sa bansa ang Batas Militar.
Edukasyong Pinasok ni PNoy
Iisang eskuwelahan lamang ang pinag-aralan ni PNoy mula noong primarya hanggang siya ay magkolehiyo.
Noong siya ay nasa elementarya, nag-aral siya sa Ateneo de Manila University mula 1965 hanggang 1973.
Tinapos niya naman ang kaniyang sekondarya sa parehong eskuwelahan noong 1973 hanggang 1977.
Nang magkolehiyo, kinuha ni Noynoy ang kursong AB Economics sa Ateneo de Manila University noong 1977 hanggang 1981.
Politikang Tinahak ni Noynoy
Noong taong 1998, tumakbo si Noynoy sa Kamara at nanalo bilang kongresista ng ikalawang distrito ng Tarlac. Nanilbihan siya rito sa loob ng siyam na taon.
Noon namang 2004, itinalaga siya bilang Deputy House Speaker ng Luzon—ngunit bumaba siya sa puwesto at sumapi sa liderato ng Liberal Party (LP) upang ipanawagan ang pagbaba ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo (GMA) dahil sa “Hello Garci” scandal.
Noong 2007, tumakbo siya bilang senador, at nanalo matapos masungkit ang ikaanim na puwesto.
Matapos ang isang termino sa Senado, tumakbo sa pagkapresidente si PNoy at nanalo bilang ika-15 Pangulo ng Pilipinas.
Pagkapangulo ni PNoy
Ilan lamang sa “highlights” ni PNoy bilang Pangulo ay ang pagtatapos ng hidwaan sa pagitan ng “Moro Islamic Liberation Front” (MILF) at ng gobyerno.
Nang si PNoy ang Pangulo ng bansa, lumitaw din ang malawakang anomalya sa paggamit ng kaban ng bayan, o ang “Pork Barrel Scam.”
Tumatak din ang pagtaas ng ekonomiya sa gitna ng administrasyong PNoy, kung saan tinawag ang bansa na “Rising Tiger”—mula sa dating taguri dito bilang “Sick Man of Asia.”
Mula sa ika-85 puwesto sa Global Competitiveness Index of World Economic Forum noong 2010, sumampa ang Pilipinas sa ika-47 puwesto matapos ang limang taon ni PNoy sa pagkapresidente.
Nakilala rin ang tatag at prinsipyo ni PNoy sa gitna ng isyu ng West Philippine Sea (WPS).
Gayumpaman, humarap din sa ilang isyu ang administrasyong PNoy—tulad ng labis na epekto ng super bagyong Yolanda, “Fallen 44” ng Mamasapano clash, at ang Quirino Grandstand hostage taking.
Vincent Gutierrez/BALITA