Tahasang sumagot si Akbayan Partylist President Rafaela David kaugnay sa naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na wala raw batayan ang inindorso nilang impeachment complaint laban dito.
KAUGNAY NA BALITA: 'Di na ito bago!' VP Sara, umalma sa bagong impeachment complaint sa kaniya
Ayon sa inilabas ni pahayag ni David matapos ang isinapublikong video statement ni Duterte nito ng Sabado, Pebrero 7, sinabi niyang “funny” raw na nagawa pang maglabas ng video ng Bise Presidente para sa sinabi nitong walang basehan na akusasyon at nagawa pa raw silang atakihin, pati na rin ang kanilang Chair Emeritus na si Sen. Risa Hontiveros.
MAKI-BALITA: VP Sara binira si Sen. Risa: 'Walang kredibilidad ang Akbayan!'
“Sabi ni Vice President Sara Duterte, walang batayan ang impeachment complaint na inendorso ng Akbayan Party. Funny. For something she insists has no merit, it rattled her enough to release a video message, not to answer the serious charges, but to desperately attack us and our Chair Emeritus, Senator Risa Hontiveros,” pagsisimula niya.
Pagkukuwestiyon ni David, paano raw natatawag na “harassment’ ni Duterte ang isang “walang basehan” na reklamo laban sa kaniya at tila raw hindi siya nagpapakita ng kumpiyansa sa kaniyang video statement.
“She even called the complaint ‘harassment.’ How can something she insists is baseless harass her? Ano ba talaga, ate? Her video doesn't project confidence, it reeks of fear, poorly disguised as bravado,” aniya.
Ani David, natatakot umano si Duterte dahil tumataas ang tiyansang magkatotoo ang impeachment sa kaniya lalo na’t tila handa umano ang Senado na pangatawanan ang kanilang konstitusyonal na tungkulin sa ilalim ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III kung makaakyat man ang mga nasabing reklamo laban sa kaniya.
“And why wouldn't she be afraid? The prospect of Congress impeaching her again grows more real by the day. The Senate, under Senate President Tito Sotto, is ready to do its constitutional duty if the articles reach it,” saad niya.
Pagpapatuloy ni David, dapat daw na ipaliwanag ni Duterte ang umano’y pagwawaldas nito ng pera ng bayan, maipakilala si “Mary Grace Piattos,” at sabihin kung saan napunta ang ₱125 milyong confidential funds nila noon.
“Simple lang naman ang hinihingi sa kanya, ipaliwanag ang pagwaldas ng pera ng bayan. Pero hanggang ngayon, sa kabila ng napakaraming palusot, ayaw at hindi pa rin niya maipaliwanag kung sino sina Mary Grace Piattos and friends, at kung saan napunta ang P 612 million in confidential and intelligence funds,” pagdidiin niya.
Tila nagawa pang payuhan ni David si Duterte na maghanda bilang unang Vice President na mai-impeached.
“Tama na ang palusot, Sara. Prepare to go down in history as the first vice president to be impeached, not once, but twice,” pagtatapos niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa naman ulit na inilalabas na tugon, pahayag, o reaksyon si Duterte kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: 'I am being briefed!' SP Sotto, naghahanda sa posibleng pagratsada ng impeachment ni VP Sara
Mc Vincent Mirabuna/Balita