Ipinagdiriwang ang Valentine’s Day taon-taon bilang selebrasyon ng pagmamahalan, kung saan, ipinakikita at ipinahahayag ng marami ang kanilang pag-ibig sa iba’t ibang paraan gaya ng pagbibigay ng regalo at paglalaan ng oras para sa date nights o iba pang recreational bonding activities.
Para sa mga curious, ang “Valentine’s Day” ay ipinangalan kay St. Valentine, na ayon sa kasaysayan, ay isang pari sa Roma noong ika-3 siglo.
Noong mga panahon na ito, sinasabing si Emperor Claudius II, na noo’y pinuno ng Roma, ay mahigpit na ipinagbabawal ang kasal, at naniniwala siyang ang mga binata ay mas mainam na maging sundalo.
Ang paniniwalang ito ni Cladius ay kinondena ni St. Valentine.
Kaya palihim siyang nagkasal ng ilang mga mamamayan, na kalauna’y naging dulot para makulong siya.
Sa kuwentong ito, pinaniniwalaan na nahulog ang loob ni St. Valentine sa anak ng isa sa mga warden.
Kaya sa araw ng pagbitay kay St. Valentine, Pebrero 14, nagpadala pa ito ng liham sa anak ng warden, na nagbibigay sa kaniya ng pagkain at sumubok pang ilabas siya mula sa piitan.
Sa nasabing liham, nakalagda ang mga katagang,“from your Valentine.”
May ilan ring tala sa kasaysayan na nagsasabing si St. Valentine ay nasawi dahil sa pagsubok niyang iligtas ang ilang Kristiyano na minamaltrato sa ilalim rin ng pamumuno ni Claudius.
Paano nagsimula ang selebrasyon ng Valentine’s Day?
Pinaniniwalaan din sa ilang tala sa kasaysayan na ang Valentine’s Day ay isang lumang tradisyon na nagmula sa paganong Roman festival na “Lupercalia” na ipinagdiriwang tuwing Pebrero bilang pagsisimula ng spring o tagsibol.
Dahil nakita ito bilang taliwas sa paniniwalang Kristiyano, bago matapos ang ika-5 siglo, idineklara ni Pope Gelasius ang Pebrero na “St. Valentine’s Day.”
Ang makatang si Geoffrey Chaucer ang kauna-unang nakapagtala ng St. Valentine’s Day bilang romantic celebration, sa pamamagitan ng kaniyang tula na “The Parliament of Fowls” noong 1380s.
“For this was sent on Seynt Valentyne’s day / Whan every foul cometh ther to choose his mate,” saad sa nasabing malikhaing akda ni Chaucer.
Taong 1415 nang matagpuan ang pinakalumang Valentine’s greeting, na isang tula na isinulat ni Charles Duke of Orleans habang siya ay nakakulong sa Tower of London, para sa kaniyang asawa.
Ang nasabing pagbati ay parte na ngayon ng manuscript collection ng British Library sa London.
Ilang taon ang nakalipas, pinaniniwalaan na nagbayad sa isang manunulat si King Henry V para gumawa ng valentine note kay Catherine ng Valois.
Pagdating ng ika-18 siglo, naging parte ng tradisyon ng rural Englanders ang matchmaking lottery para sa magiging buhay mag-asawa ng mabubunot na mga pangalan.
Taong 1911, naitayo ang Hallmark, na pinaniniwalaang nagbigay ng daan para mas mapagalanap ang Valentine’s Day bilang isang selebrasyon tuwing Pebrero, sa pamamagitan ng commercial advertisements.
Sean Antonio/BALITA