Tila sinita ang isang American autonomous driving technology company at may libong self-driving taxi sa buong United States na Waymo matapos masangkot ng isa nilang sasakyan sa aksidente at mapag-alamang may mga overseas worker sila sa kanilang kompanya, kasama na ang mga Pilipino.
Ayon sa ulat ni Victor Tangermann noong Biyernes, Pebrero 6, 2026, senior editor ng Futurism, isang media company sa New York City (NYC), mababasa ang tila mga naging kaganapan sa pagdinig ng Kongreso ng US noong Miyerkules, Pebrero 4, 2026.
Pinangalanan ng Kongreso ng US ang nasabing pagdinig ng “Hit the Road, Mac: The Future of Self-Driving Cars” kung tinalakay nila kahalagahan sa pagtitiyak ng kaligtasan ng pagkakaroon ng self-driving car o taxi sa mga pampublikong kalsada.
Dinaluhan ito ng ilang mga kilalang kumpanya na kapuwa mga gumawa rin ng self-driving taxi, kasama na ang Waymo, Tesla, at iba pa.
Sa naturang pagdinig, tila nagisa umano ang chief safety officer ng Waymo na si Mauricio Peña dahil napag-alaman na gumagamit ang kumpanya nila ng Chinese-made na mga sasakyan at nagtitiwala sa mga overseas workers.
Kaugnay ito ng kamakailang aksidenteng kinasangkutan ng isang self-driving taxi o robotaxi ng Waymo noong Enero 23, 2026, sa isang elementary school sa Santa Monica, California, at nasugatan ang isang bata.
Ayon sa mga ulat, bigla umanong sumulpot sa may likod ng mataas na SUV ang isang bata at papunta sa daraanan ng robotaxi.
Matapos nito, ipinaliwanag ng Waymo na agad daw na-detect ng kanilang robotaxi ang biglang sumulpot na bata at agad itong nagmenor o nagpreno mula 17 miles per hour pababa sa 6 mile per hour hanggang matamaan ang bata.
Matapos ang naturang insidente at malamang may ilang mga overseas worker ang Waymo, sinabi ni US Senator Ed Markey na safety issue raw na hayaang makaimpluwensya ang mga overseas worker sa kanilang mga sasakyan, partikular sa robotaxi.
“[H]aving people overseas influencing American vehicles is a safety issue,” aniya.
Dagdag pa niya, “The information the operators receive could be out of date. It could introduce tremendous cybersecurity vulnerabilities. We don’t know if these people have US driver’s licenses.”
Pagbabahagi naman ng Futurism sa naging pahayag ng Spokesperson ng Waymo, sinabi umano nilang naka-locate naman ang kanilang “fleet response team” sa US at maging sa abroad.
Anila, kasama raw sa mga requirement ng kanilang mga empleyado ang pagkakaroon ng passenger car at van license, ganoon din ang pagsusuri nila kung mga traffic violation o driving-related convictions ang mga ito.
“[L]ocated in the US and abroad,” aniya at “required to have a passenger car or van license, and are reviewed for records of traffic violations, infractions, and driving-related convictions.”
“Additionally, they are routinely, randomly screened for drug use, and are put through thorough criminal background checks in addition to evaluations of their driving records.” paliwanag pa ng Waymo.
Samantala, hindi naman na naliwanag pa sa nasabing pagdinig sa Kongreso ng US kung ilan ang bilang mga overseas worker, partikular ng mga Pinoy, ang nagtatrabaho sa Waymo.
Wala pa ring balita kung pagbabawalan na bang pagtrabahuhin ang overseas worker, partikular ng mga Pinoy, sa nasabing kompanya.
Mc Vincent Mirabuna/Balita