Naglabas ng kaniyang opisyal na pahayag si Vice President Sara Duterte tungkol sa panibagong impeachment complaint laban sa kaniya.
Kaugnay ito ng naging paghahain nina co-convenor ng Tindig Pilipinas Kiko Aquino Dee, dating peace secretary Ging Deles, Ramon Magsaysay Awardee 2025 Fr. Flavie Villanueva, mga kabataan, at mga lider sa iba’t ibang sektor noong Lunes, Pebrero 2, 2026, laban kay Duterte.
Nakasama rin nila sina Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima na kapuwa mga nag-endorso ng nasabing reklamo.
Ayon naman sa video statement na inupload ni Duterte sa kaniyang Facebook page nitong Sabado, Pebrero 7, 2026, sinabi niyang ang isinumite ng Akbayan ay isang papel na walang kalakip na ebidensyang makakapagpatunay sa mga umano’y paratang laban sa kaniya.
“Ang impeachment complaint na inendorso ng Akbayan ay isang papel na walang kalakip na kahit anong ebidensiyang magpapatunay sa mga paratang na isinasaad dito,” pagsisimula niya.
Ani Duterte, hindi na raw bago ang pagsasampang iyon ng impeachment complaint laban sa kaniya dahil iyon din daw ang naging sagot nila para mapaalis umano siya sa Gabinete noon.
“Hindi na ito bago. Matatandaan na ang impeachment laban sa akin ang naging sagot nila sa aking pag-alis sa Gabinete—isang hakbang na isinagawa dahil hindi na maipaliwanag ng Pangulo ang patuloy na pagkalugmok ng bayan sa kahirapan dulot ng kanyang kapabayaan at bisyo,” diin niya.
Pagbabalik-tanaw ni Duterte, binuksan daw ng mga taong nagpapatalsik sa kaniya ang isang “investigation in aid legislation” hindi upang lumikha ng batas kundi para maging isang fishing expedition upang pagplanuhan ang reklamong laban sa kaniya noon.
“Noong 19th Congress, binuksan pa nila ang isang “investigation in aid of legislation” hindi upang lumikha ng batas, kundi upang magsagawa ng isang malinaw na fishing expedition para sa planadong impeachment laban sa akin,” saad niya.
Nagawa ring balikan ni Duterte ang “Mary Grace Piattos” na pilit idinidiin sa kaniya na isang bahid ng katiwalian sa umano’y maanomalyang confidential funds nila noon.
“Dagdag pa niya, “Paulit-ulit nilang ibinandera ang isyung “Mary Grace Piattos” bilang umano’y bahid ng katiwalian, kahit na sa kabila ng lahat ng imbestigasyon ay wala silang naipakitang kahit isang direktang paglabag sa paggamit ng confidential funds,” ‘ika niya.
Sumunod na dito ang bentahan ng mga pirma para sa impeachment at ang mga tinaguriang “for later release projects” na ipinangako umano sa ilang miyembro ng Kamara upang itulak ang impeachment laban sakin —mga pangyayaring mismong inamin na ng ilang mambabatas sa kanilang mga naging pahayag,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ang Akbayan kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: 'Round 2!' Makabayan bloc, naghain ng impeachment complaint vs VP Sara
KAUGNAY NA BALITA: Impeachment complaints kay VP Sara, 'di pa raw transmitted kay House Speaker Dy!
Mc Vincent Mirabuna/Balita