Sugatan ang isang security guard matapos siyang mag-amok umano at barilin nang patulan siya ng kaniyang officer in charge (OIC) sa Sto. Tomas City, Batangas.
Ayon sa mga ulat, nagpaalam umano ang 30 taong gulang na biktima sa 56-anyos na suspek na mag-day off, ngunit hindi raw ito pumayag at iginiit na sundin na lamang ang nakatokang schedule.
Bunsod nito, doon na raw nagpakita ng masamang reaksiyon ang biktima sa naturang desisyon ng suspek.
Sinasabing kumuha pa raw ng bolo ang biktima at makailang beses na hinamon ang suspek na patulan siya, ngunit binalewala lang daw ito ng suspek at pilit na lang siyang pinauwi ng iba pang kasamahan.
Nagawa naman daw paalisin ng ilang saksi ang biktima ngunit makailang sandali pa ay mainit pa rin daw itong bumalik at saka pinagbabato ang suspek na siyang dahilan upang paputukan siya nito ng service firearm na shotgun.
Samantala, mabilis namang naisugod sa ospital ang biktima habang naaresto na ng mga awtoridad ang suspek kung saan narekober sa kaniya ang shotgun na ginamit niya sa pamamaril.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek na nahaharap sa frustrated homicide.