Naghain ng isang show cause order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa may-ari at drayber ng bus na nang-araro ng siyam (9) na sasakyan sa kahabaan ng Taft Avenue corner Pedro Gil, Ermita, Maynila kamakailan.
Base sa ulat ng LTO nitong Biyernes, Pebrero 6, idinahilan sa nasabing insidente ang pagkawala umano ng kontrol sa sasakyan—na nagresulta sa pagbunggo nito sa limang (5) motorsiklo, tatlong (3) multi-purpose vehicles, at isang (1) van.
Umabot din sa siyam (9) na katao ang nagtamo ng minor at severe injuries.
Posibleng humarap sa reklamong “reckless driving” at “improper person to operate a motor vehicle” ang drayber ng nasabing bus.
Ang may-ari naman ay maaari ding managot dahil sa pagkuha nito ng isang “reckless driver.”
Samantala, sinuspinde na rin ng ahensya sa loob ng 90 araw ang lisensya ng drayber; kasabay ang pagkakataong magpaliwanag sa LTO sa darating na Lunes, Pebrero 9.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, patuloy ang kanilang imbestigasyon patungkol sa aksidente.
“Ang kaligtasan ng mga pasahero at lahat ng gumagamit ng kalsada ay laging nasa unang priyoridad. Hindi tayo papayag na hayaang magdulot ng panganib ang mga hindi responsableng driver o pangangasiwa ng sasakyan sa ating mga kalsada. Ang aksyong ito ng LTO ay patunay ng ating determinasyon na panagutin ang sinumang lumalabag sa mga batas trapiko at tiyakin na ligtas ang lahat sa daan,” ani Lacanilao.
Vincent Gutierrez/BALITA