Tila walang masamang tinapay sa pagitan nina ex-celebrity couple Paul Salas at Mikee Quintos sa kabila ng kinahantungan ng kanilang relasyon.
Sa isang Facebook post ni Mikee kamakailan, ibinahagi niya ang serye ng mga larawan na kuha sa ginanap na bachelor’s party ng kaibigan niya at kapuwa Kapuso artist Mikoy Morales.
Nakatakda ang pagpapakasal ni Mikoy sa fiancée niyang si Isa Garcia sa Marso 2026.
Kabilang sa mga litratong ito ay ang group photo kung saan makikitang naroon sina Paul at Mikee kasama ang iba pang celebrities tulad nina Chariz Solomon at Ruru Madrid.
Ginanap ang nasabing pagdiriwang sa The Cabin Resorts na matatagpuan sa San Migue, Bulacan.
Matatandaang Abril 2025 nang kumpirmahin ni Mikee ang hiwalayan nila ni Paul sa isang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda.”
Nilinaw naman ng aktres na walang sangkot na third-party sa breakup nila ng aktor.
Maki-Balita: Mikee Quintos, Paul Salas hiwalay na!
Naunang lumutang ang tsikang nagkakamabutihan sina Paul at Mikee nang masipatan umano silang nagbabakasyon sa isang beach resort noong Disyembre 2021 kasama ang kani-kanilang mga pamilya.
Makalipas ang ilang buwan, inamin ni Paul sa program segment na ”Pasabog Na Chika” na nasa dating stage na umano sila ni Mikee.