Naitala sa La Trinidad, Benguet, ngayong umaga ng Biyernes, Pebrero 6, ang 10.4°C, ang pinakamababang temperatura sa pagtutuloy ng amihan season sa 2026.
Makikita rin sa tala ng Benguet-Philippine Information Agency (PIA) kamakailan na dahil sa patuloy na paglamig ng klima rito, kinahaharap ng maraming magsasaka ang pagyeyelo ng mga pananim o andap, partikular sa mga bayan ng Atok at Kibungan.
Bilang tugon, namigay ng water sprinkler systems ang Department of Agriculture-Cordillera Administrative Region (DA-CAR) sa mga magsasaka sa Benguet para maiwasan ang pamumuo ng andap sa mga pananim.
Base naman sa tala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nito ring Pebrero 6, sumunod ang Baguio City sa mga lugar sa bansa na nakararanas ng malamig na klima, sa temperaturang 12.0°C; ang Tuguegarao City, Cagayan sa 18.1°C; ang Tanay, Rizal sa 18.5°C; ang Casiguran, Aurora sa 18.8°C; at Malaybalay, Bukidnon sa 19.7°C na temperatura.
Sean Antonio/BALITA