Nakatakdang ipagpatuloy ng Commission on Elections (Comelec) ngayong Pebrero ang voter registration sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para sa 2026 Barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE).
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, nagpasya silang ipagpatuloy na ang voter registration sa BARMM matapos ang suspensiyon sa kauna-unayang Bangsamoro parliamentary elections na idaraos sana sa rehiyon sa Marso 30, 2026.
Sisimulan aniya ang voter registration sa rehiyon ngayong buwan at magtatagal hanggang sa Marso 30.
Matatandaang Oktubre 20, 2025 pa nang ipagpatuloy ng Comelec ang voter registration sa buong bansa at magtatagal hanggang sa Mayo 18, 2026.
Gayunman, hindi kasama rito ang BARMM dahil sa idaraos na parliamentary polls doon.
At dahil hindi pa matutuloy ang naturang eleksiyon sa rehiyon, nagpasya aniya ang Comelec na ituloy na rin ang voter registration doon.
“Kami ay magkakaroon muli ng voters’ registration sa buong Bangsamoro ngayong February at tatagal ito hanggang March 30 para may makaboto sa November 2,” anunsiyo ni Garcia.
“Sa kasalukuyan suspended ang voters’ registration sa Bangsamoro. Ang kadahilanan ay dahil kung natuloy ang March 30, ayaw namin ma-complicate dahil yung existing na batas ay nagsasabi na ang BPE ay pagpapatuloy ng national and local elections noong Mayo. Nangangahulugan na kung sino ang botante noong May 12, 2025 ay siya rin ang botante sa BPE,” paliwanag niya. “Hindi natuloy ang March 30 kaya kailangan naming i-lift ang suspension.”